Pangha-harass at panlilinlang ng illegal na online lending, aksyunan
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 2, 2026

Nararapat lamang na wakasan na ang panlilinlang na nagkukubli sa likod ng mga pekeng online lending platform na patuloy na nananamantala sa kahinaan at pangangailangan ng taumbayan.
Sa panahong isang click na lamang kapag nangangailangan ng tulong sa oras ng trahedya, hindi na sapat ang paalala, kailangan ang malinaw na aksyon at sama-samang paninindigan laban sa ilegal na pautangan online.
Nitong Biyernes, naglunsad ng panibagong kampanya ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), kasunod ng pagtaas ng reklamo laban sa hindi rehistradong online lenders.
Mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon, halos 600 kaso ang naitala na mas mataas kaysa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon isang opisyal, marami pa ring biktima ang hindi naiuulat dahil sa hiya at takot, dahilan para lalong lumakas ang loob ng mga scammer.
Ipinunto rin na ang bagong taktika ng mga sindikato ay ang paggamit ng online promotions na diretsong pumupunta sa website, hindi sa lehitimong app.
Sa sandaling ma-click, may automatic authorization o auto-collection na nagbubukas ng access sa contact list at social media accounts ng biktima.
Ginagamit ito sa pananakot at pangha-harass, isang tahasang paglapastangan sa pribado at dignidad ng isang indibidwal. Dapat may malinaw na consent; kung wala, malinaw na panlilinlang ito.
Babala rin sa publiko ang mga pautang na mababa kunwari ang interes ngunit may nakatagong singil.
Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), hindi dapat lumampas sa 15 porsiyento kada taon ang kabuuang singil kasama ang fees. Kapag sobra at malabo ang terms, huwag na itong tunuloy.
Para sa mas mahigpit na pagpapatupad, katuwang ng CICC ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at ang National Bureau of Investigation. Kahit nasa ibang bansa ang operasyon at pondo, mananagot ang lokal na kolektor sa kasong syndicated estafa na non-bailable.
Madalas ding gamitin ang Telegram dahil sa hirap matukoy ang account holders dito, umusad na ang koordinasyon matapos ang babala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na posibleng ipagbawal ang platform kung hindi makikipagtulungan.
Ang kampanya ng CICC ay panawagan ng proteksiyon para sa mamamayan. Hindi lamang ito laban ng gobyerno, ito ay laban ng komunidad. Kapag malinaw ang batas, mabilis ang aksyon, at buo ang kooperasyon, humihina ang sindikato at lumalakas ang tiwala ng publiko.
Ang utang ay dapat tulay sa pagbangon, hindi bitag para sa ikalulubog ng isang indibidwal. Sa pagbabantay sa ating mga pinipindot online, pag-uulat ng abuso, at pagsuporta sa pagpapatupad ng batas, pinipili nating igalang ang sarili at ang kapwa. Ang wakas ng panlilinlang ay nagsisimula sa sama-samang pag-iingat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments