top of page

‘Pangengelam’ ng dayuhan sa isyu ng flood control scandal, nakakaduda, nakakanerbiyos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 20
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | October 20, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Hindi naman humuhupa ang social unrest.

Mas organisado na ang mga Gen Z, dahil kumukonek na ang bawat unibersidad at kolehiyo.


-----$$$--


SA ngayon, wala pang matutukoy na charismatic leader ang Gen Z na puwedeng humigop ng malawakang suporta across-all-spectrum ng lipunan.

Sa ngayon.


----$$$--


BARA-BARA lang ang kilos-protesta, slogan at mga akusasyon.

Halatang idinikta o kinokopya lang sa iba.

Kumbaga, walang malinaw na ideolohiya na ipinakikipaglaban, bagkus ay simpleng protesta laban sa malawakang katiwalian.


-----$$$--


PERO, ang pinakasariwang balita at nakapagdududa ay ang “pangengelam” ng dayuhan sa isyu ng flood control projects scandal.

Iniulat na nagpunta sa ICI ang mga US diplomat.

Eh, bakit?


------$$$--


MAAARING kalmante lang si PBBM sa kaliwa’t kanang protesta ng mga Pinoy pero hindi niya dapat ipagkibit-balikat ang “pangengelam” ng US embassy.

Nakakapagduda ‘yan at nakakanerbiyos!


-----$$$--


MATAGAL na nating binabanggit-banggit sa kolum ang panganib na magmumula sa dayuhan.

At ito ay nagaganap na.


----$$$--


SA totoo lang, aminin o hindi ng mga pinakabatikang political analyst at akademisyan — hindi bumagsak ang rehimeng Marcos Sr. — dahil sa puwersa ng People’s Power.

Bumagsak ang administrasyong Marcos Sr. dahil sa lihim na kamay ng mga dayuhan.


-----$$$--


DAPAT ay makapulot ng aral at matuto si Marcos Jr. sa sitwasyon ng kanyang ama.

Ang US ay hindi kailanman kikilos ng pabor sa sinumang lider na kanyang kaalyado.

Ang US ay kikilos batay sa interest ng mismong mga Kano.


-----$$$--


HINDI naman itinatago, bagkus ay binanggit sa mga ulat na nababahala ang ilang US officials sa sitwasyon sa Pilipinas — dahil sa kanilang investment.

Pero, sa totoo lang, ang investment na ito ay posibleng kasama ang “military-component”.

‘Yan ay napakaselan!


-----$$$--


MANANATILI namang tahimik at hindi apektado ng gulo ang ordinaryong mamamayan kahit biglang magpalit ng liderato o administrasyon — gaya sa Nepal at Madagascar.

Imbes na mabahala ang ordinaryong mamamayan, mas dapat kabugan ang mga pulitiko — o mga ‘buwayang’ magkakasabwat sa pandarambong sa kaban ng bayan.


------$$$--


TULAD sa hindi maipaliwanag na pagsulpot ng 3I/ATLAS comet, mahirap ding ipaliwanag ang biglang pagpapalit ng US ambassador sa Pilipinas.

May nagsasabing ang 3I/ATLAS comet ay posibleng signos sa katapusan ng mundo.

Pero, ang pagdalaw ng US embassy diplomat sa ICI, isa rin bang signos ng biglaang pagwawakas?


Nagtatanong lang, at nababahala na rin.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page