top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | July 23, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Napapagitna sa intriga ang mister ni Vilma Santos.

Opo, ikinakalantari ang pangalan ni Finance Secretary Ralph Recto sa pataw na buwis.


----$$$--


Isinisisi kay Recto ang taas-buwis sa interest income ng ilang long-term deposits batay sa Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA).

Pero, alam ba ninyo na hindi siya ang gumawa ng batas?

Siyempre, trabaho ng gabinete na ipatupad ang umiiral na reglamento.


----$$$--


PINAGTIBAY ang CMEPA ng Kongreso noong 2023.

Wala si Recto sa DoF noong mga panahong iyon, eh, bakit siya ang sinisisi?


-----$$$--


Sa ilalim ng CMEPA, ang interest income mula sa long-term bank deposits na winidraw o pre-terminated bago ang limang taon ay papatawan ng flat na 20 porsyentong final tax.

Pero bago pa man ito naisabatas, may umiiral ng buwis sa ganitong interest income.


----$$$--


MAY 20 porsyento sa mga depositong mas mababa sa tatlong taon, at bahagyang mas mababa naman kung nasa pagitan ng tatlo hanggang lima.

Ang bago sa CMEPA ay ang pagsasaayos lang ng sistema.


----$$$--


PANTAY na ang rate, mas simple ang buwis, at wala nang lusot ang mga “komprador”.

Kaya hindi makatwiran na si Recto ang pagbuntungan ng galit.

Hindi siya ang gumawa ng batas.


----$$$--


HINDI si Recto ang dapat batikusin, kundi ang mga mambabatas na siyang may-akda ng batas na ito.

Sila lang ang may kapangyarihang baguhin ang naturang batas -- at hindi si Recto.


-----$$$--


KUNG may galit man sa kanya dahil sa ibang isyu gaya ng PhilHealth fund transfer, ibang usapan na iyon.

Pero sa usapin ng CMEPA, malinaw na wala siyang nilabag.


----$$$--


PATULOY din ang DoF sa pagpapalakas ng fiscal discipline, bawasan ang utang, iwas sa bagong buwis pero pinatatatag ang takbo ng ekonomiya.

Kung may iskor dito, ibigay dapat kay Recto ang kredito.


----$$$--


MAHALAGANG mamulat ang publiko sa kumplikadong iskema sa ekonomiya.

Ito ay upang makaiwas na mabiktima ng black propaganda.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | July 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Karumal-dumal ang ulat sa mga nawawalang sabungero na kinatay, sinunog at itinapon daw sa Taal Lake.

Mas grabe ito sa Mamasapano massacre.


----$$$--


SUGAL ang tunay na ugat ng nakakasulasok na krimen.

Sugal na naka-online.


----$$$--


MALAKI ang tama ng magkapatid na senador na sina Sens. Peter Alan at Pia Cayetano sa pagkontra sa anumang klase ng online gambling.

Higit na mas malala ang epekto nito kumpara sa jueteng at iba pang sugal.


----$$$--


Nagkakaisa ang magkapatid na mambabatas na nakakasira, nakaaadik at walang mabuting dulot ang anumang klase ng sugal.

Walang gamot, lunas o antidote laban dito.


----$$$-


INIHAIN na ng magkapatid na Cayetano ang panukalang batas na nagbabawal sa lahat ng klase ng online gambling.

Bawal na rin ang promosyon o advertisement nito sa lahat ng media platform.


----$$$--


MARAMI ang magdarasal na maipatupad ang pagbabawal sa online gambling.

Pero, pumayag kaya ang mga gambling czar kung saan sila mismo ang may control o ang lihim na campaign donor ng mga ‘pusakal’ na pulitiko?


----$$$--


HINDI dapat kunsintihin ng gobyerno ang anumang klase ng sugal partikular ang online gambling dahil sa pagkakalulong ng mga ordinaryong tao lalo na ang mga kabataan.

Dapat na pagbawalan nang direkta ang mga modernong apps na ginagamit sa online gambling.


----$$$--


APEKTADO rito ang mga digital wallet firms – gaya ng GCash, Maya, at iba pa.

Pero, ang mga kapitalista o may-ari ng mga apps na ito ay mga dambuhalang donor ng mga pulitiko.

Tiyak na lihim na papalag ang mga iyan.


---$$$--


PERO ang paninindigan ni Sen. Alan laban sa sugal ay hindi bago.

Matagal na niya itong ipinaglalaban – kahit pa noong city councilor pa lang siya ng Taguig ay kinontra niya ang pagpasok ng casino sa naturang siyudad upang hindi ito maging gambling city.


----$$$--


HANGGANG ngayon, nananatiling “gambling-free” zone ang Taguig taliwas sa ibang siyudad tulad ng Pasay at Parañaque.

Nagkalat sa iba’t ibang siyudad ang talamak na casino at iba pang sugal – ‘kakambal’ ng ilegal na droga kung saan ang mga otoridad at pulisya rin ang nagsisilbing tila protektor -- gaya ng lumalabas sa serye ng mga imbestigasyon.


---$$$--


SA halip na sugal -- ang edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng tao ang dapat prayoridad.

Sa halip na mabilisang kita na ikalulugmok ng maraming pamilya, ang pinili ng LGU ay sustainable na investments sa kinabukasan.


---$$$---


MORALIDAD ang nawawasak dito na sanhi ng pagkabulok ng lipunan at pagpalungo ng mga kabataan na nasasadlak sa maruming landas ng buhay.

Maraming kabataan ang nalululong sa online games, livestream betting, at maraming Pilipino ang naeengganyo sa false promise na quick money.


-----$$$--


DAPAT nating sagipin ang mga kabataan at mismo ang ordinaryong mamamayan mula sa karumal-dumal na bisyong ito.

Ipagdasal nating maisabatas ang pagbabawal sa lahat ng klase ng sugal — lalo na ang online gambling.


---$$$--


ANG masakit, lumilitaw sa imbestigasyon na mag-tandem ang illegal gambling sa mas pusakal na illegal drugs.

Hindi sana maging ‘Don Quixote’ ang mga mambabatas sa pakikipagtunggali sa dalawang dambuhalang higante ng kademonyohan sa ating lipunan — sugal at droga!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | July 4, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Ibinisto na ng whistleblower na si alyas “Totoy” ang pangalan nina Atong Ang at Gretchen Barretto.

Maghahalo na ang balat sa tinalupan.


-----$$$--


Ano sa English ang “paghahalo ng balat sa tinalupan”?

Iyan mismo ang ibig sabihin ng “bloodbath”.


----$$$--


ANG bloodbath ay huling ginamit ni VP Sara sa isyu ng impeachment trial.

Pero, inaakala ng mga hindi nakakaunawa ng “konteksto” na ang kasingkahulugan nito sa Tagalog ay “dadanak ang dugo” o dili kaya’y “magdaraan kayo sa ibabaw ng aking bangkay”.

Magkakaiba po iyan.


----$$$--


KAKAUNTI ang nakakaunawa ng lengguwahe at pinalalala ito ng mga media practitioner na gumagamit ng ibang konteksto sa pag-uulat upang magbunsod ng kontrobersiya o intriga.

Obligasyon o responsibilidad ng mga media practitioner na iayos o iangkop sa tumpak na konteksto ang mga nasasagap na impormasyon.


-----$$$--


SA ngayon, bibihira ang mahusay na editor na mag-aayos ng mga ulat mula sa reporter o fieldman bago iimprenta o i-post sa social media.

Kung may problema tayo sa mainstream media, mas grabe ang sitwasyon sa social media — dahil ang content creator ay siya ang reporter, siya ring editor, at siya rin mismo ang publisher.


-----$$$--


Malinaw kung gayon na ang mga viewers, readers, o audience o followers na lang mismo ang magkukusang umunawa, mag-edit at mag-ayos ng kanilang mga nababasa o nakikitang post o content sa kanilang gadgets tulad ng cellphone, laptop at computer.

Isang malaking problema ito na walang solusyon.


----$$$--


Halimbawa, nadadawit ngayon ang pangalan ng aktres na si Gretchen Barretto sa isyu ng “missing sabungeros”.

Ang eksaktong tumpak na termino ay “kalantari”.

Ibig sabihin, “ikinakalantari” ang pangalan ni Gretchen sa mga nawawalang sabungero.


-----$$$--


IBIG sabihin ng kalantari ay itsinitsismis at idinadawit ang pangalan ni Gretchen sa kontrobersiya at isyung legal.

Malalim na debate ‘yan.


----$$$--


ANG kalantari ay pinagsanib na katagang “kalan” at “tari”.

Ang kalan sa English ay stove o gamit sa pagluluto na may apoy.

Ang “tari” ang pinatalas na talim mula sa metal na bagay na ikinakabit sa paa ng manok bago makipagsalpukan sa kapwa manok na mayroon ding “tari”.

Kapag napatay ng tari ang manok, iluluto siya gamit ang “kalan” — lutong pakang ang tawag sa recipe!


-----$$$--


INILALARAWAN ang salpukan ng 2 tandang na may tari na “paghahalo ng balat sa tinalupan”.

Sa gitna ng salpukan, nababalatan at natatanggalan ng balahibo ang mga manok kasabay ng pag-agos ng dugo.


----$$$--


KAPAG parehong matibay at matapang ang manok, maliligo pareho ang magkalabang manok sa dugo na may magkahalong balat at balahibo.

Iyan ang orihinal na pinagmulan ng maghahalo ang balat sa tinalupan.

Iyan din mismo ang bloodbath.


----$$$--


SA demanda at kapwa demanda, at paglantad ng testigong si alyas “Totoy” at ni Atong Ang, inaasahan ang “paghahalo ng balat sa tinalupan”.

Sa nakatakdang impeachment trial ni VP Sara ay ganyan din — “maghahalo ang balat sa tinalupan”.

Dahil mas sosyal at pormal ang impeachment kaysa sabong, ang tawag naman diyan ni VP Sara ay “bloodbath”.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page