top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | June 10, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Magkakaiba ang opinion ng mga nagpapakilalang eksperto sa batas kaugnay ng isyu sa impeachment proceedings kay VP Sara.


Pero, bakit walang nagsasabi sa kanila na humingi ng opinion o antayin ang desisyon ng Korte Suprema?


-----$$$--


BINABALAK kasi ng ilang senador na gamitin ang poder ng mayorya upang ibasura agad ang impeachment na sa paniniwala nila ay walang katuturan dahil “wala nang oras”.


Pero ayon sa ilang kritiko, hindi isyu ang “kawalan ng panahon” para hindi maipatupad ang isinasaad na “forthwith” kaugnay ng aksyon sa impeachment complaint.


----$$$--


NAG-UGAT ang problema nang agarang isinumite ang impeachment complaint ng Kamara sa Senado sa alanganing araw — oras-de-peligro — sa bingit ng pagsasarado ng Kongreso.


Malinaw na nagkagulo dahil sa terminong “forthwith” na walang ispesipikong bilang ng oras o araw — bago aksyunan ng Senado ang reklamo.


----$$$--


AYON sa co-pilot chat: “Forthwith” is an adverb that means immediately or without delay. It’s often used in formal or legal contexts. For example, if a court orders someone to cease an activity forthwith, it means they must stop right away. Synonyms include instantly, at once, directly, and right away.


Kahit ganyang kalinaw ang depinisyon, hindi agad inaksyunan ang impeachment na siyang ugat ng kaguluhan.


----$$$--


SA Tagalog, ginamit na katumbas ng forthwith ay “agad-agad” — pero walang ispesipikong bilang ng oras o araw.


Sa mas malinaw na Tagalog, ang forthwith ay “walang bantulot”.


---$$$--


Sa popular na lengguwahe, ang forthwith ay “walang tsetseburetse, awtomatik at madyik”.


Pero, kung gusto nating nasusukat ang forthwith, ibig sabihin — ‘sang iglap o simbilis ng kidlat. 


----$$$--


Puwedeng ipakahulugan sa forthwith ay “isang kisap-mata”.

Nasusukat ‘yan.


Ibig sabihin, pagkaabot-na-pag-abot sa Senado — ay walang patumanggang ililipat agad sa komite upang bumuo agad ng impeachment court — nang WALANG KURAP ANG MATA!


----$$$--


Hindi tayo abogado, pero ang nagkamali dito ay ang mga gumamit ng “terminong forthwith” kung saan ang bilis o ispesipikong panahon ay hindi binanggit.


ARAL: Kapag gagawa ng batas o maglalabas ng regulasyon o reglamento, dapat ay ESPESIPIK!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 4, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Nagbalik na ang Senado.

Tila nagkakaisa ang opinyon: Lusot sa impeachment si VP Sara.


----$$$--


Imbes si VP Sara ang inililitis, tipong si Senate President Chiz Escudero, ang mahahatulan.


Ang kaso?


‘Doble kara at pagbalimbing’!


----$$$--


HINDI sinasadya, naikukumpara si Sen. Chiz sa kanyang yumaong ama na si ex-Agriculture Secretary Sonny Escudero.

Hindi kailanman nagbago ng posisyon o nagpalit ng “mascara” ang Matandang Escudero.


----$$$--


MULA sa rank-and-file at ehekutibo ng DA si Sir Sonny hanggang sa maging kalihim at kongresista — nananatiling solid-Marcos.


Hindi loyalist si Sec. Escudero, bagkus ay “organic Marcos” hanggang maging kongresista at yumao.


-----$$$--


MALINAW ang disposisyon ng Matandang Escudero — maka-Matandang Marcos siya kahit nasa minorya.


Ni isang hibla ng buhok — ay hindi pinagdudahan ang kanyang postura bilang ‘organic Marcos’.


----$$$--


HINDI kailanman, namangka sa dalawang ilog si Sonny Escudero.

Nakakahiya man sabihin, hindi ganyan si Sen. Chiz.


---$$$--


ANG isyu ngayon sa totoo lang, hindi iyong kung guilty o hindi guilty si VP Sara, bagkus ang tunay na isyu ay kung mananatili bilang Senate President si Sen. Chiz.

At ugat nito ay hindi mismo si Sen. Chiz, itanong na lang ninyo kay Cong. Toby Tiangco ang tunay na puno’t dulo ng krisis!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 24, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Pinagsumite ng courtesy resignation ang 100 percent ng gabinete at mga presidential appointees.

Eh, bakit?

Awtomatik naman na puwedeng sibakin lahat — kapag gusto ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.


----$$$--


Hindi isyu ang courtesy resignation, ang isyu — ay kung sino talaga ang mawawala sa gabinete.

‘Yun na mismo, sibakin kung sisibakin, wala nang tsetseburetse.


----$$$--


DISPOSISYON at political will ang tawag diyan.

Dapat ay magdesisyon nang kongkreto at malinaw si PBBM — kahit sino pa ang madamay at kahit ano ang opinyon ng publiko.


----$$$--


SA totoo lang, mas mainam kung ihahayag ng Malacañang na magbubuo sila ng “task force” o confidential committee na magrerebyu ng performance at qualification.

Kumbaga, mayroon dapat na tipong “advisory group” na aasiste sa Pangulo kaugnay sa revamp.


-----$$$--


MAHIRAP kasing paniwalaan na “solo lang ni PBBM” ang desisyon.

Dapat ding linawin kung ano ang “papel” ng inner circle — kasama ang miyembro ng pamilya — sa paghuhusga kung sino ang mananatili at sino ang masisibak.


-----$$$--


PERO ang malawakang pagbalasa ay malinaw na epekto sa negatibong resulta ng eleksyon.

Walang masama, ang mahalaga ay nagtatangka si PBBM na maisaayos ang lahat — para sa ikabubuti ng marami.


----$$$--


SA personal nating pagtaya, wala ring gaanong epekto ang balasa dahil walang malinaw na batayan kung paano “huhugot” o pipili ng bagong gabinete.

Nakakatakot kasi na baka mabiktima si PBBM ng “bulong brigade” o simpleng mga sipsip ang iimpluwensya sa pilian at pagsibak.


----$$$--


KAPAG pumalpak sa desisyon si PBBM kaugnay ng ipinagmamalaking balasa, lalong bibilis ang paghina ng poder.

Hindi biro ang sitwasyon — dahil “malakas ang sigwada ng alon” sa karagatan.

Sa popular na kasabihan, hindi dapat “nagpapalit” ng kabayo ang kabalyero — sa gitna ng “umaalimpuyong alon”.


Kahit bihasa, sa gitna ng nagngangalit na alon -- possible ang kabalyero ay “biglang mahulog” at malunod!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page