top of page

Panawagan sa agarang aksyon vs krisis sa langis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 16, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Sa aking pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa, ramdam na ramdam ko ang hinaing ng ating mga kapwa Pilipino dahil sa matinding krisis sa langis. Malayo man sa atin ang giyera sa Middle East, apektado tayong lahat lalo na ang mga nasa probinsya at malalayong isla kung saan mas mataas ang presyo ng gasolina dahil sa dagdag na gastos sa transportasyon.


Bilang isang bansang umaasa sa inaangkat na langis, malinaw na vulnerable tayo sa galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado. At ang epekto nito ay hindi lang sa petrolyo. Umaabot ito sa pamasahe, sa presyo ng pagkain, at sa pang-araw-araw na gastusin. Ang kita ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan ay unti-unting kinakain ng taas ng presyo. Sunud-sunod na rin ang maaaring tamaan kapag tuluyang tumaas ang inflation rate.


Kaya sa pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) nitong April 13, tinanong ko ang ating mga government economic managers kung handa ba tayo kung lumala pa ang krisis, at kung aabot sa punto na parang panahon ng pandemya ang epekto. 


Nanawagan tayo sa Executive Department na pag-aralan ang ilan nating mga suhestyon: ang posibilidad ng “pooling” o pangangalap ng unused funds o pondong hindi pa nagagamit ng pamahalaan, realignment sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), paglabas ng executive order, o kung kinakailangan ay pagpasa ng bagong batas na katulad ng Bayanihan. 


Bago nito ay naghain na tayo ng Senate Bill No. 2033 o ang “Fuel Crisis Immediate Relief and Response Bill” na layong maibsan ang mabigat na impact ng krisis sa panggastos ng mga Pilipino. Ilan sa mga panukala natin ay pag-suspinde sa mandatory contributions sa PhilHealth, SSS, GSIS, PAGIBIG, at iba pa. At dahil inaasahan din ang pagtaas ng singil sa utilities lalo na sa kuryente, ipinanukala din natin na magkaroon ng “grace period” o palugit ang ating mga kababayan sa pagbabayad ng bills.


Kaugnay nito ay nanawagan tayo sa concerned government agencies sa pagdinig ng PROTECT Committee, na humanap ng paraan para hindi biglaan ang pagtaas ng singil sa utilities tulad ng kuryente. Kung susumahin ang lahat ng gastos, wala nang maiuuwi ang mga minimum wage earners. Nakakaawa po talaga ang mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap dahil sa dagdag na pahirap bunsod pa rin ng fuel crisis.


Ilan naman sa mga tanong natin sa Department of Budget and Management: Kung may mga pondong hindi nagamit noong mga nakaraang taon, bakit hindi ito gamitin ngayon para sa mga mahihirap nating kababayan na higit na apektado? At kung noon, napondohan ang mga programang hindi naman prayoridad, at nagamit pa nga sa korapsyon, hindi kaya dapat mabilisan ang paghahanap ng pondo para matulungan ang mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay ngayon may fuel crisis?


Muli tayong nananawagan sa national government para sa mabilis at kongkretong plano para tumugon sa fuel crisis. Huwag naman sanang mas mabilis pa ang pagtaas ng presyo kaysa sa pagdating ng tulong. Kung mabagal ang paglabas ng ayuda, nawawala ang halaga nito bago pa makarating sa mga benepisyaryo.  


Bilang inyong senador, handa akong magtrabaho anumang oras kung kinakailangan ng Kongreso na magbigay ng karagdagang awtoridad. Kung kailangang magsulong ng panibagong batas para magamit ang pondo sa tamang paraan, gagawin namin ng aking mga kasamahan sa Senado.


Samantala, dumalo ako sa PDP National Council meeting sa PDP Headquarters noong April 11 bilang national auditor, at doon ipinahayag ko ang aking pasasalamat sa mga kasamahan sa Partido Demokratiko Pilipino. Itinalaga na rin bilang PDP Party President si Mayor Baste Duterte.


Sa imbitasyon ng Reform Alliance for Good Governance and Accountability (RAGE) Coalition, dumalo rin ako sa kanilang paglulunsad sa Club Filipino noong April 12 kung saan binigyang-diin ko ang kahalagahan ng pagkakaisa, maayos at tapat na pamamahala, at sama-samang pagkilos para harapin ang mga hamon ng bansa.


Sa ating pagpapatuloy ng serbisyo para sa nangangailangan, personal tayong pumunta sa Barangay BF Homes sa Parañaque City nitong April 10 upang mamahagi ng tulong sa mga 114 na pamilyang nasunugan. 


Samantala, noong nakaraang linggo, agad tayong naghatid ng ayuda sa mga biktima ng sunog sa Pasig City; Caloocan City; Manila City; Cebu City at Talisay City sa Cebu; Calamba City, Laguna; Tubungan, Iloilo; Malabon City; Bacoor City, Cavite; Binangonan, Rizal; Muntinlupa City; at Cagayan de Oro City.


Bukod dito, nakatanggap din ng karagdagang tulong ang mga biktima ng sunog sa Davao City at Baganga, Davao Oriental; at mga biktima ng malakas na hangin sa Jose Abad Santos sa Davao Occidental, kabilang ang tulong sa pabahay upang makabili ng materyales para sa muling pagtatayo at pagbangon.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Youth, nakatulong din tayo sa mga indigent na mga estudyante sa Apalit, Pampanga. Samantala, nabigyan naman ng graduation gifts ang mga iskolar sa Iligan City sa pamamagitan ng aming team. Kinatawan din tayo ng ating team sa turnover ng Super Health Center sa Tagoloan, Lanao del Norte.


Sa huli, dumalo rin ang aming team sa Liga ng Barangay - Batangas Chapter Congress at ika-35 Annual General Assembly meeting ng Tam-an Banaue Multipurpose Cooperative (Tam-an BMPC).


Gaya ng lagi, nananatiling matatag ang aking pangako: maglingkod sa sambayanang Pilipino, lalo na sa panahon ng pangangailangan, at tiyaking walang maiiwan—dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page