Panawagan para sa makatarungang kita sa transportasyon
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 18, 2026

Ipantay ang taas ng pasahe sa bigat ng krisis na ating kinakaharap, dahil malinaw ang panawagan ng mga tsuper na patuloy na binabayo at nagpapahirap, dulot ng walang sawang pagtaas ng presyo sa petrolyo.
Sa gitna ng halos dobleng taas ng diesel, tila barya lamang ang naging tugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng P1 dagdag-pasahe. Hindi ito solusyon kundi simbolo ng kakulangan sa malasakit sa sektor na araw-araw bumubuhay sa galaw ng ekonomiya.
Kamakailan, inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang provisional fare increase na P1 para sa traditional jeepneys at P2 para sa modern jeepneys.
Ito ay kasunod ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East. Ngunit para sa mga transport group tulad ng Manibela at Piston, ang nasabing dagdag ay malayo sa kanilang hinihinging P5 na umento.
Ayon sa Manibela, tila sampal sa mukha ng mga tsuper ang napakaliit na dagdag-pasahe kumpara sa higit 100 porsyentong pagtaas ng diesel. Dagdag pa rito, tila kulang sa masusing pag-aaral ang naging basehan ng desisyon ng mga ahensya tulad ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Samantala, iginiit naman ng pangulo ng Piston, na halos walang epekto sa kita ng mga tsuper ang P1 dagdag-pasahe. Aniya, katumbas lamang ito ng humigit-kumulang P200 dagdag kita kada araw, samantalang umaabot na sa P3,600 ang arawang gastos sa diesel batay sa presyong P120 kada litro at konsumo na 30 litro. Sa ganitong sitwasyon, malinaw na mas malaki pa rin ang lugi kaysa kita.
Dahil dito, inanunsyo ng Piston ang planong nationwide transport strike simula Marso 19, bilang protesta sa umano’y kakulangan ng aksyon ng administrasyon ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nanindigan ang grupo na itutuloy ang kanilang kilos-protesta hangga’t hindi natutugunan ang kanilang mga panawagan, kabilang ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa petrolyo.
Para sa mga tsuper, hindi simpatiya ang kanilang hinihingi kundi makatarungang kita na sapat para sa kanilang pamilya at pang-araw-araw na operasyon.
Ang maliit na dagdag-pasahe ay hindi lamang usapin ng kita, kundi repleksyon ng kung paano tinitimbang ang kapakanan ng sektor na nagsisilbing gulugod ng pampublikong transportasyon.
Ang epekto nito ay hindi lamang mararamdaman ng mga tsuper kundi pati ng mga komyuter. Kapag bumagsak ang sektor ng transportasyon, buong sambayanan ang maaapektuhan. Ang krisis na ito ay paalala na ang solusyon ay hindi dapat patingi-tingi, kundi dapat sumabay sa laki ng problemang kinakaharap ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments