top of page

Panawagan para sa makatao at makatarungang lider

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 1, 2026



Fr. Robert Reyes


Salamat sa internet at social media, nasisilip natin ang iba’t ibang sulok ng mundo at nasusubaybayan ang kalagayan ng mga tao roon. Sa kasalukuyan, magulo ang Estados Unidos dahil sa patuloy na pagtugis ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) sa mga tinuturing na “illegal.” Sa gitna ng operasyong ito, tatlo na ang naiulat na namatay—mga kasong pinagtatalunan kung pagpatay nga ba ang naganap.


Sa Palestina, gutom, sakit, at kawalan ng pag-asa ang kinahaharap ng marami mula nang palakasin ng militar ng Israel ang opensiba laban sa Hamas. Sa Venezuela naman, hindi pa rin lubos na maunawaan ng mamamayan ang mga naganap at patuloy na nangyayari matapos salakayin ang bahagi ng isang lungsod kung saan natagpuan at inaresto si Pangulong Nicolas Maduro. Samantala, sa kabila ng malinaw na panggigipit ng Chinese Navy sa mga mangingisdang Pilipino at sa Philippine Coast Guard, iginiit pa ng Tsina na sila raw ang ginigiit at binabastos. Dahil dito, nagkaisa ang maraming senador na lumagda sa isang sulat-protesta na ipinadala sa Embahada ng Tsina. Hindi pa kabilang dito ang mga kaguluhang nagaganap sa iba’t ibang bansa sa Timog-Silangang Asya, Aprika, Gitnang Silangan, at iba pang rehiyon ng mundo.


Sa Pilipinas, nakatakdang magsimula ang pre-trial ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-23 ng Pebrero 2026. Haharapin niya ang mga kaso kaugnay ng extra-judicial killings (EJK): una, ang mga naganap noong siya ay alkalde ng Davao City; at ikalawa, ang mga naganap sa mga unang taon ng kanyang pagkapangulo. Ang mga kasong ito ay saklaw ng panahon bago naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). Bagama’t inihayag ng dating pangulo ang intensyon na umalis sa ICC noong Marso 2018, nagkabisa lamang ito noong Marso 17, 2019. Dahil dito, hindi na saklaw ng ICC ang mga EJK na naganap matapos ang nasabing petsa.


Hindi man tinatawag na extra-judicial killings ang mga insidente sa Estados Unidos, kapansin-pansin ang pagkakahawig ng mga pangyayari. Sa kaso ng pagpatay kay Alex Pretti, ipininta ng mga awtoridad na siya ay mapanganib, armado, at handang manakit. Ngunit taliwas ito sa mga video ng insidente, kung saan makikitang ipinagtatanggol ni Alex ang isang babaeng itinutulak at sinasaktan ng mga ahente ng ICE. Kinuyog siya, itinumba sa lupa, at bago pa man tuluyang bumagsak, maririnig na ang mga putok na pumatay sa kanya. Sa kaso naman ni Renee Nicole Good, iginiit ng mga awtoridad na nagtangka umano siyang managasa kaya’t siya ay pinaputukan nang tatlong beses. Hindi ba’t pamilyar ang ganitong paliwanag—ang madalas na “nanglaban”—na nagiging sapat na dahilan upang pumatay nang walang pananagutan?


Maaaring hindi na lantad ang marahas na pambubugbog at pagbitay ng mga puti laban sa mga itim, gaya noong nakaraan, ngunit nananatili ang parehong padron ng istorya. Isang sektor ang ginagawang masama upang bigyang-katwiran at gawing tila legal at moral ang karahasan laban sa kanila. “Masama ang mga Hudyo, sila ang dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya,” ayon kay Hitler. Sa Pilipinas, sinabi ng dating pangulo na “masama ang mga nagdodroga at nagtutulak nito,” kaya sila raw ang ugat ng gulo at kahirapan. Sa Estados Unidos naman, idinidiin ng pangulo na ang mga migrante ang “salot” ng bansa at sanhi ng kahirapan, kaya’t dapat silang pauwiin.


Sa isang pahayag lamang ng pinuno, nagmumukhang batas o opisyal na polisiya ang diskriminasyon. Muling nabubuhay ang diwa ni Hitler sa patuloy na pagdi-demonyo sa mga Palestino, Muslim, pinaghihinalaang durugista, at mga dayuhang tinatatakan bilang ilegal at kriminal. Sa maraming panig ng mundo, nangingibabaw ang magulo at marahas na pamumuno—mga patakarang ginagawang normal at katanggap-tanggap ang di-makatao, di-maka-kapwa, at di-maka-kalikasang mga gawain.


Kaya’t higit kailanman, kailangan ng mundo ang mga pinunong makatao, maka-kalikasan, at mapayapa—mga lider na handang ipagtanggol ang katotohanan at itaguyod ang katarungan at tunay na pagkapantay-pantay ng lahat.


Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page