top of page
BIDA - CLAUDIA, PINAPAPALITAN NG BARRETTO ANG APELYIDO-IG _claudia & _dennisastig.jpg

Pananagutan sa pangangalunya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 14, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Isang lalaki na itago na lamang natin sa pangalang “Arvin” at ang kanyang asawa na itago na lamang sa pangalang “Belinda” ay matagal nang nagsasama bilang mag-asawa. Dahil naniniwala si Arvin na sapat ang kanyang kinikita bilang IT o web developer upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, hinikayat niya si Belinda na manatili na lamang sa bahay upang tutukan ang pag-aalaga sa kanilang mga anak.


Isang araw, maagang umuwi si Arvin mula sa trabaho. Sa kanyang pagdating sa kanilang tahanan, laking gulat niya nang nadatnan niya si Belinda na nakikipagtalik sa kanilang kasambahay na itago na lamang sa pangalang “Celia,” sa loob mismo ng kanilang silid-mag-asawa. Dahil dito, nais malaman ni Arvin kung maaari bang managot si Belinda sa kasong Pangangalunya (Adultery) dahil sa pakikipagtalik niya kay Celia. — Yoyo





Dear Yoyo, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating mga batas at kaugnay na mga kaso. Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 333 ng Act Number 3815, o mas kilala sa tawag na “Revised Penal Code of the Philippines," ang depinisyon ng krimeng Adultery:


“Article 333. Who are guilty of adultery. — Adultery is committed by any married woman who shall have sexual intercourse with a man not her husband and by the man who has carnal knowledge of her knowing her to be married, even if the marriage be subsequently declared void.”


Hinggil sa nabanggit na batas, ang mga sumusunod na rekisito ay kailangan upang mapatunayan ang pagkakasala sa krimeng Adultery:


a) Na ang babae ay may bisa at umiiral na kasal;

b) Na siya ay nakipagtalik sa isang lalaking hindi niya asawa; at

c) Na ang lalaking kaniyang nakatalik ay may kaalaman na siya ay may asawa. (Tignan U.S. v. Guzman, G.R. No. 11895, December 20, 1916, Associate Justice Grant Trent)


Alinsunod sa Artikulo 333 ng Revised Penal Code, ang Adultery o pangangalunya ay nagagawa ng isang babaeng may asawa kapag siya ay nakipagtalik sa isang lalaking hindi niya asawa.


Sa sitwasyong iyong inilahad, si Belinda, na isang babaeng may asawa, ay nakipagtalik kay Celia, na isa ring babae. Bagama’t maaaring hindi katanggap-tanggap sa pananaw ng moralidad ang nangyaring pagtataksil, kapwa babae ang mga partidong sangkot sa pangangaliwa. Mahalaga ring tandaan na ang pananagutan sa ilalim ng batas ay nakabatay sa malinaw na itinakda ng umiiral na mga batas. Dahil ang batas ay tahasang tumutukoy sa pakikipagtalik ng may-asawang babae sa isang lalaking hindi niya asawa bilang elemento ng Adultery, hindi maaaring managot si Belinda sa kasong pangangalunya sa ilalim ng nasabing probisyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page