top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na

Pananagutan sa isa't isa, sa inang bayan, at bawat kababayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 2
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 2, 2026



Fr. Robert Reyes


Ika-5 ng Abril 2013, kahahalal pa lamang kay Jose Bergoglio, Arsobispo ng Buenos Aires, Argentina, bilang Papa. Tuwing umaga sa maliit na kapilya ng Casa Santa Marta, nagmimisa ang bagong halal na si Papa Francisco. Sa unang pangungusap ng kanyang homiliya sa araw na iyon, sinabi niya, “Calumny destroys the work of God in people” (cf. Pope Francis, Encountering Truth, ed. Antonio Spadaro, 2013). Sinisira ng paninirang-puri ang gawa ng Diyos sa mga tao.


Nasanay na tayo sa paninirang-puri. Malaking hanapbuhay na nga ito. Maaaring kumita ng daan-daang libo ang sinumang mahusay manirang-puri sa social media. Ito ang bagong hanapbuhay na kilala bilang “trolling.” Matagal na itong umiiral, ngunit lalo itong tumindi at kumalat noong panahon ng nakaraang Pangulo. Salamat sa internet at social media, napakadaling magkalat ng anumang paninira laban kaninuman. Isang click lang, libo o milyong views na agad ang matatamo ng paninirang-puri.


Matagal na tayong umaani ng paninirang-puri—lahat ng uri ng batikos, pambabastos, kasinungalingan, at karimarimarim na mala-burak, mala-pusaling paninira. Hindi lamang tayo nalulungkot at nasasaktan, kundi natatakot at nangangamba rin sa lumalalang kalagayan ng ating lipunan. May nangyayaring sumisira hindi lamang sa tao kundi sa mismong kaluluwa ng ating bansa.


Maraming nagsasabi na nagsimula ang ganitong pananaw at pag-uugali noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naalala ng marami kung paano niya minura si Papa Francisco nang dumalaw ito sa Pilipinas. Sinundan ito ng kanyang pahayag na, “Your God is stupid.” Tanga ang Diyos ninyo. Kasabay ng ganitong kawalan ng paggalang sa pananalita ay ang kawalan din ng paggalang sa buhay ng libu-libong pinaslang sa nakakatakot at nakamamatay na War on Drugs o Tokhang.


Ngunit para sa maraming nabuhay noong panahon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, kitang-kita at damang-dama ang paghina hanggang sa tuluyang pagkawala ng paggalang sa karapatan at dangal ng tao. Sa ilalim ng Batas Militar (Martial Law, Proclamation No. 1081, Setyembre 1972), inalis ang mga batayang karapatan ng tao.


Nagkaroon ng curfew. Ipinagbawal ang mga rally. Maraming aktibista ang hinuli, tinorture, at pinatay. Idineklarang pambansang kaaway ang mga Komunista at ginamit silang dahilan sa pagdeklara ng Batas Militar.


Nasa unang taon kami ng kolehiyo (First Year College) sa San Jose Major Seminary. Naaalala namin ang kakaibang umaga noong ika-21 ng Setyembre 1972. Nang marinig ng lahat ang tinig ni Kit Tatad habang binabasa ang Proclamation No. 1081 na naglalagay sa buong Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar, tila biglang binalot ang lahat ng malamig na ulap ng takot at pagkalito. Ano na ang mangyayari? Walang makapagsabi.


Ngayon lamang sa kasaysayan ng ating bansa, matapos ang mahabang panahon ng pananakop ng mga Kastila at ilang taon ng mga Amerikano at Hapon, naranasan nating sakupin, takutin, higpitan, hulihin, at usigin ng sarili nating kababayan sa katauhan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos.


Maraming natakot, ngunit marami ring lumaban. Nabuo at lumakas ang mga lihim na kilusan. Maging ang mismong kinalaban ng pamahalaan—ang New People's Army at ang Communist Party of the Philippines (CPP-NPA)—ay lalong lumakas matapos ideklara ang Batas Militar. Hindi rin nanahimik ang mga simbahan.


Nagsalita at kumilos ang mga kapatid na Protestante. Nagsalita rin ang mga pari at obispong Katoliko. Narinig ang malakas at matapang na tinig ni Jaime Cardinal Sin.


Bata pa lamang kaming mga seminarista noon, ngunit sa ilalim ng malalim at matalinong gabay ng aming mga propesor na Heswita, nahubog ang aming pananampalatayang mulat at handang magsakripisyo para sa Diyos at bayan. Nang maging pari kami noong 1982, si Ferdinand Marcos pa rin ang Pangulo. Mula sa pulpito, madalas naming batikusin at singilin ang mapaniil na pamahalaan. Dahil dito, lumanding ang aming pangalan sa tinatawag na “Order of Battle” ng militar. Kakaibang banta ito. Nag-alala si Jaime Cardinal Sin. Inilayo niya kami at ipinag-aral sa Roma. Kaya naroon kami nang maganap ang EDSA. Nag-organisa at kumilos ang maraming madre, pari, seminarista, at laykong Pilipino. Dalawang beses kaming humarap kay Papa Juan Pablo II, na nagdasal para sa ating bansa.


Bumabalik ang ganitong sitwasyon. Mas madali nang manakot at manirang-puri. Mahusay na instrumento ang AI. Mabilis ang social media at ang iba't ibang plataporma nito.


Ito ang dahilan ng paglulunsad ng Sulo ng Pananagutan sa darating na ika-4 ng Agosto sa Diyosesis ng Cubao. Matatag, matapang, at napapanahon ang panawagang, “Bayan Ko, Kababayan Ko, Pananagutan Ko!”


Bago tuluyang mamatay ang pagmamahal at paggalang sa isa't isa, magandang sariwain ang mensahe ng awit na isinulat ni Padre Ed Hontiveros:


“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Walang sinumang namamatay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa't isa. Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling Niya.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page