Sen. Risa malabo nang mahabol ang rating ni VP Sara, kaya ‘suntok sa buwan’ itong manalo
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 24, 2026

'SUNTOK SA BUWAN' NA TALUNIN NI SEN. RISA ANG RATING NI VP SARA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Muling inanunsyo ni Sen. Risa Hontiveros ang kanyang kahandaan na tumakbo sa 2028 presidential election, at panawagan niya na dapat ay isa lamang ang maging kandidato ng mga Kakampink at Dilawan upang magkaroon ng tsansang magwagi sa halalang pampanguluhan sa 2028.
Sa totoo lang, sa rating na 0.1% ni Sen. Risa sa latest survey ng Pulse Asia, kahit suportahan pa siya ng mga Kakampink at Dilawan, “suntok sa buwan” ang pagkakataon niyang talunin si Vice President Sara Duterte, na nangunguna sa presidential preference survey na may 49% na rating. Boom!
XXX
MATAPOS PAGKALOOBAN SI SEN. BONG GO NG GAWAD BALANGAY AWARDS, DAPAT IBALIK NA SA KANYA NI SEN. RISA ANG CHAIRMANSHIP NG SENATE HEALTH COMMITTEE – Dahil sa mga batas at programa ni Sen. Bong Go na may kaugnayan sa health care ng mamamayan, ginawaran siya ng Gawad Balangay Award noong Agosto 15, 2026, sa AFP Commissioned Officers Club sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Mantakin n’yo, ang chairperson ngayon ng Senate Health Committee ay si Sen. Hontiveros, pero ang pinararangalan ay si Sen. Bong Go, na dating chairman ng komiteng pangkalusugan sa Senado.
Ang nais nating ipunto rito ay sana magkusa na si Sen. Hontiveros na ibalik kay Sen. Bong Go ang chairmanship ng Senate Health Committee para mas marami pa siyang magawa para sa pangkalusugang serbisyo ng mamamayan. Period!
XXX
SEN. LACSON, GUSTONG-GUSTO MA-IMPEACH SI VP SARA – Sinabi ni Sen. Ping Lacson na maaari pa raw mabago ang ruling ng Senate Impeachment Court hinggil sa 16-vote threshold sa paglilitis sa impeachment case ni VP Sara, dahil 20 senador na lamang daw ang dumadalo sa impeachment trial. Nagtatago umano si Sen. Ronald dela Rosa, nakakulong naman sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, at hindi na rin sumisipot sa Senado si Sen. Loren Legarda.
Marahil, ang nais ipunto rito ni Sen. Lacson ay ang 2/3 ng 20 senador ay 13, na ibig sabihin, sa 13 boto ay maaari nang ma-convict si VP Sara o mapatalsik bilang vice president ng bansa.
At kung susuriin ang statement na ito ni Sen. Lacson, lumalabas na gusto niyang ma-impeach si VP Sara. Boom!
XXX
CHRISTIAN ESGUERRA DDS NA RAW KASI SINABIHAN NITO NA TANGA AT KASABWAT SI PBBM SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Pinuputakti ngayon ng batikos ng mga Marcos loyalist vloggers si journalist-vlogger Christian Esguerra kaugnay sa ginawa nitong pag-atake kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), na kesyo, kung hindi raw tanga ay kasabwat daw ang presidente sa flood control scandal.
Sa atake ng mga loyalist vloggers, inakala raw nila noong una na “Kakampink” o “Dilawan” si Esguerra. Ngunit dahil sa tindi ng pag-atake nito kay PBBM, na tinawag niyang tanga at kasabwat sa flood control scandal, ngayon daw nila napagtanto na Duterte Diehard Supporter (DDS) pala ito.
Marahil, kaya nasabi ng mga loyalist vloggers na DDS si Esguerra ay dahil wala nang Kakampink o Dilawan na umaatake kay PBBM. Tanging mga DDS vloggers na lang daw ang kadalasang bumabatikos sa presidente. Period!





Comments