Pagkilala sa decree ng diborsyong naganap sa ibang bansa
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 24, 2026

Dear Chief Acosta,
Sampung taon na akong kasal sa isang Amerikano, at kalaunan ay nagpasya siyang kumuha ng decree ng diborsyo sa Estados Unidos. Matapos itong maaprubahan, legal na nagpakasal ang dati kong asawa sa ibang babae sa US. Posible ba para sa akin na makapagpakasal muli dito sa Pilipinas kahit na ang decree ng diborsyo ay inilabas ng isang dayuhang korte? Ano ang dapat kong gawin? — Meljon
Dear Meljon,
Maaari ka pa ring mag-asawang muli rito sa Pilipinas sa kondisyon na ang nasabing decree ng diborsyo ay kilalanin ng ating Estado sa pamamagitan ng paghahain ng Petition for Recognition of a Foreign Judgment of Divorce sa ating lokal na korte.
Ito ay batay sa Artikulo 26(2) ng Family Code of the Philippines na nagsasaad na:
“Where a marriage between a Filipino citizen and a foreigner is validly celebrated and a divorce is thereafter validly obtained abroad by the alien spouse capacitating him or her to remarry, the Filipino spouse shall have capacity to remarry under Philippine law.”
Sa pamamagitan ng probisyong ito, ang isang decree ng diborsyo na inilabas ng isang banyagang hukuman ay maaari ring magkabisa at maipatupad sa ating bansa. Ito ay naglalayon upang maiwasan ang isang hindi makatwiran na senaryo kung saan ang mga Pilipino ay itinuturing na kasal pa rin sa kanilang dayuhang asawa kahit na ang huli ay kinikilala na bilang diborsyado sa ilalim ng kanilang mga batas at kadalasan ay nagpakasal na sa ibang tao.
Sa kaso ng Shela Bacaltos Asilo vs. Presiding Judge Maria Luisa Lesle G. Gonzales – Betic, Branch 225, Regional Trial Court, Quezon City (G.R. No. 232269, July 10, 2024, sa panulat ni Honorable Chief Justice Alexander Gesmundo), sinabi ng Korte Suprema na:
“It is well-established that "[t]he recognition of the foreign divorce decree may be made in a Rule 108 proceeding itself, as the object of special proceedings (such as that in Rule 108 of the Rules of Court) is precisely to establish the status or right of a party or a particular fact.
At this juncture, for purposes of clarity, the Court states that in a petition for recognition of a foreign divorce decree on the basis of Article 26(2) of the Family Code, the ultimate. facts that must be alleged are as follows:
The celebration of a marriage between a Filipino and an alien;
The subsequent acquisition of an absolute divorce in a foreign jurisdiction;
The nationality of the alien spouse at the time the absolute divorce was obtained; and
The national law of the alien spouse, which recognizes the absolute divorce and capacitates said alien spouse to remarry.
These ultimate facts are in addition to the jurisdictional facts that must be alleged in the petition.”
Gaya ng ipinaliwanag ng hukuman, ang paghahanda ng mga dokumento at ebidensya upang patunayan ang mga nabanggit na mahahalagang bagay sa iyong petisyon ay kinakailangan upang matiyak ang paborableng desisyon mula sa hukuman. Ang mga bagay na ito ay kailangan upang maipakita ang iyong karapatang makinabang sa Artikulo 26(2) ng Family Code.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments