Pananagutan ng ospital sa kapabayaan ng doktor
- BULGAR

- May 7
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 7, 2026

Dear Chief Acosta,
Nais ko lamang itanong kung ang isang ospital ay maaari bang managot sa kapabayaan ng mga doktor nito kahit na wala naman silang relasyon bilang empleyado at employer. May nagsabi kasi sa akin na kadalasan ay independent contractors lamang ang mga doktor sa ospital kaya hindi diumano dapat managot ang ospital sa kanilang mga pagkakamali. Totoo po ba ito? — Yula
Dear Yula,
Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa mga kaugnay na kaso ng Korte Suprema. Para sa iyong kaalaman, ang kawalan ng relasyon bilang empleyado at employer sa pagitan ng ospital at ng mga doktor o medical professionals nito ay hindi agad nangangahulugan na malaya na ang ospital sa anumang pananagutan sa kapabayaan. Ito ay lalo na kung umiiral ang tinatawag na Doctrine of Apparent Authority o Agency by Estoppel.
Sa ilalim ng doktrinang ito, maaaring managot ang isang ospital sa kapabayaan ng isang doktor na nagbibigay ng serbisyong medikal sa loob nito, kahit pa ang naturang doktor ay isang independent contractor, maliban na lamang kung alam o dapat alam ng pasyente na ang doktor ay hindi empleyado ng ospital.
Binigyang-diin ng Korte Suprema ang mga elementong kinakailangan upang umiral ang doktrinang ito sa kasong Casumpang vs. Cortejo (G.R. No. 171127, ika-11 ng Marso 2015, isinulat ni Kgg. Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion), kung saan sinabi na:
“For a hospital to be liable under the doctrine of apparent authority, a plaintiff must show that: (1) the hospital, or its agent, acted in a manner that would lead a reasonable person to conclude that the individual who was alleged to be negligent was an employee or agent of the hospital; (2) where the acts of the agent create the appearance of authority, the plaintiff must also prove that the hospital had knowledge of and acquiesced in them; and (3) the plaintiff acted in reliance upon the conduct of the hospital or its agent, consistent with ordinary care and prudence.”
Ibig sabihin, upang mapanagot ang ospital, kailangang maipakita na ang mga kilos o pagpapakita ng ospital ay nagbigay ng impresyon sa isang karaniwang tao na ang doktor ay kumikilos bilang kinatawan o ahente ng ospital, at na ang pasyente ay umasa sa naturang pagpapakita.
Sa pangkalahatan, hindi mananagot ang isang ospital sa kapabayaan ng isang doktor na isang independent contractor. Gayunman, may mahalagang eksepsiyon dito. Maaari pa ring managot ang ospital kung ang doktor ay itinuturing na “ostensible agent” ng ospital. Ang prinsipyong ito ay ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Nogales vs. Capitol Medical Center (G.R. No. 142625, ika-19 ng Disyembre 2006, isinulat ni Kgg. Kasamahang Mahistrado Antonio T. Carpio). Sa nasabing kaso, tinalakay ng Korte Suprema ang dalawang mahalagang salik upang matukoy kung maaaring managot ang ospital, na nagsasaad:
“The first factor focuses on the hospital’s manifestations and is sometimes described as an inquiry whether the hospital acted in a manner which would lead a reasonable person to conclude that the individual who was alleged to be negligent was an employee or agent of the hospital.The second factor focuses on the patient's reliance. It is sometimes characterized as an inquiry on whether the plaintiff acted in reliance upon the conduct of the hospital or its agent, consistent with ordinary care and prudence.”
Sa madaling salita, may dalawang bagay na kailangang patunayan: una, na ang ospital ay kumilos o nagpakita ng mga pangyayari na magpapaniwala sa pasyente na ang doktor ay bahagi o kinatawan ng ospital; at ikalawa, na ang pasyente ay umasa sa naturang pagpapakita sa paghingi ng serbisyong medikal.
Dahil dito, hindi maaaring basta na lamang tanggihan ng isang ospital ang pananagutan sa mga kilos ng mga doktor nito sa pamamagitan lamang ng pagsasabing walang relasyon bilang empleyado at employer sa pagitan nila. Kung mapapatunayan ang mga nabanggit na elemento, maaaring managot ang ospital sa kapabayaan ng doktor na nagbigay ng serbisyong medikal sa loob ng ospital nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.




Comments