Pananagutan ng manufacturer

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 13, 2021
Dear Chief Acosta,
Nang ako ay maghanda ng pananghalian ay nagbukas ako ng de-latang sardinas. Napag-alaman kong may halong lead ang sardinas na hindi nararapat sa mga tao, dahil bahagi ito ng looban ng de-latang ginamit para sa packaging nito. May pananagutan ba ang manufacturer ng sardinas sa ganitong pagkakataon? – Charibel
Dear Charibel,
Ang batas na sumasaklaw sa iyong katanungan ay ang Article 2187 ng Civil Code of the Philippines kung saan malinaw na isinaad na:
“Art. 2187. Manufacturers and processors of foodstuffs, drinks, toilet articles and similar goods shall be liable for death or injuries caused by any noxious or harmful substances used, although no contractual relation exists between them and the consumers.(n).”Malinaw na nabanggit sa probisyon ng batas na ang manufacturer ng foodstuff tulad ng sardinas ay siyang mananagot kung nagsanhi ang kanilang produkto ng injury dahil sa naihalong kemikal sa kanilang produkto kahit pa walang contractual na relasyon mayroon sila sa tumangkilik ng kanilang produkto. Ang inyong pagsusuka ay sanhi ng tingga buhat sa ginamit nilang kalidad ng lata, at kung inyong mapatutunayan at mapagtitibay ang inyong naranasan maaaring managot ang manufacturer ng kinain ninyong sardinas dahil dito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments