top of page

Pananagutan ng kapatid sa pagnanakaw sa miyembro ng pamilya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 30, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 30, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kinupkop ko ang aking bunsong kapatid na nasa sapat na edad simula noong yumao ang aming mga magulang sapagkat siya ay walang hanapbuhay at matutuluyan. Nalulong siya sa kanyang mga bisyo at umabot na siya sa pagnanakaw ng mga kagamitan ko sa bahay, gaya ng mga alahas at relo. Kahit na ilang beses ko siyang pinatawad ay patuloy pa rin siya sa kanyang masamang gawain. Sa ganitong sitwasyon ba ng pagnanakaw ay maaari ko siyang ipakulong? — Annie



Dear Annie, 


Maaari mong isipin na mas makabubuti sa iyong kapatid na makulong upang hindi na siya magpatuloy pa sa kanyang maling gawain. Ngunit ayon sa batas, may mga pagkakataon na maaaring maabsuwelto sa pananagutang kriminal ang ilang kamag-anak, kahit na sila ay gumawa ng krimen. 


Sa katunayan, nakapaloob mismo sa Article 332 ng Revised Penal Code na:


“Article 332. Persons exempt from criminal liability. -- No criminal, but only civil liability, shall result from the commission of the crime of theft, swindling or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:


1. Spouses, ascendants and descendants, or relatives by affinity in the same line.


2. The widowed spouse with respect to the property which belonged to the deceased spouse before the same shall have passed into the possession of another; and


3. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together.


The exemption established by this article shall not be applicable to strangers participating in the commission of the crime.” 


Sang-ayon sa nabanggit na batas, walang pananagutang kriminal sa kasong pagnanakaw (theft), panlilinlang (estafa or swindling), o pagsira ng kagamitan (malicious mischief), kung ang salarin ay kamag-anak ng biktima, gaya ng kanyang asawa, magulang, anak, at kapatid, at sila ay magkasama sa iisang tirahan. Gayunman, nananatiling may pananagutang sibil ang salarin, tulad ng pagbabayad ng danyos o pagbabalik ng mga ninakaw na kagamitan sa kanyang nabiktimang kamag-anak.


Kaya naman sa iyong sitwasyon, ang pagnanakaw sa iyo ng iyong kapatid na kasama mo sa iyong tahanan ay hindi magdudulot ng kasong krimen at ang kaakibat nitong pagkakakulong.  Bagkus, maaari mo siyang panagutin sa kasong sibil sa pamamagitan ng pagbabayad ng danyos at/o pagbabalik ng kagamitan, o anumang maging utos ng korte patungkol dito.


Gayunpaman, malinaw na theft lamang ang sakop ng probisyon ng batas na ito ukol sa pagkuha ng gamit. Kung ang nangyari ay robbery, mananatili ang kriminal na responsibilidad ng kumuha ng gamit, kahit pa siya ay kamag-anak ng biktima at sa iisang bahay sila nakatira ng biktima.  Ayon sa Revised Penal Code, mananagot sa robbery ang mga sumusunod:


“Article 293. Who are guilty of robbery. -- Any person who, with intent to gain, shall take any personal property belonging to another, by means of violence or intimidation of any person, or using force upon anything shall be guilty of robbery.”    


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page