Pananagutan ng inhinyero o arkitekto sa gumuhong istruktura
- BULGAR

- Jan 31, 2025
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 31, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagplano kaming mag-asawa na magpatayo ng bahay sa aming nabiling lote. Dahil dito, naghanap kami ng inhinyero na maaaring makatulong sa amin. Nagrekomenda rin siya ng contractor at sinabi niya na siya ang titingin sa gawa ng contractor. Nu’ng kami ay nakahanap na ng inhinyero, pinag-usapan na namin ang dapat na ihandang pera para sa mga gastusin sa bahay.
Makalipas ang tatlong taon ay natapos ang aming bahay. Ngunit tatlong buwan pa lamang namin itong natitirhan ay bigla na lang gumuho ang pader sa aming kusina.
Noong ito ay aming ipinasuri, napag-alaman namin na nagkaroon ng mali sa plano ng aming inhinyero at mahinang klase naman ang mga materyales na ginamit niya rito. Maaari ba namin siyang habulin para sa danyos? – Flor
Dear Flor,
Ayon sa Article 1723 ng New Civil Code of the Philippines, ang inhinyero na bumuo ng plano patungkol sa isang gusali ay maaaring masingil ng danyos kung ang gusaling iyon ay gumuho dahil sa depekto sa kanyang plano. Narito ang pahayag ng batas:
“ARTICLE 1723. The engineer or architect who drew up the plans and specifications for a building is liable for damages if within fifteen years from the completion of the structure, the same should collapse by reason of a defect in those plans and specifications, or due to the defects in the ground. The contractor is likewise responsible for the damages if the edifice falls, within the same period, on account of defects in the construction or the use of materials of inferior quality furnished by him, or due to any violation of the terms of the contract. If the engineer or architect supervises the construction, he shall be solidarily liable with the contractor.”
Malinaw ang nakasaad sa batas, kung ang isang inhinyero o arkitekto ay bumuo ng plano para sa isang istraktura o gusali, at ito ay gumuho sa loob lamang ng 15 taon mula ng ito ay natapos gawin, maaari siyang masingil ng danyos kung ang pagguho ay dahil sa mali o depektong plano na ginawa niya, o dahil sa mga depekto sa lupa. Nakasaad din na kung ang inhinyero ay ang siya ring nangasiwa sa konstruksyon, maaari rin siyang managot kasama ng contractor.
Sa sitwasyon mo, maaari mong singilin ng danyos ang inhinyero na bumuo ng plano ng bahay mo dahil, una, gumuho ang pader sa kusina tatlong buwan pa lang ang nakalilipas mula nang ito ay natapos, at panghuli, ang pagguho ay dahil sa maling plano ng inhinyero at mahinang klase na mga materyales na ginamit ng kontraktor na pinangangasiwaan naman ng inhinyero mo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments