Pananagutan ng humiram ng gamit kapag nasira
- BULGAR

- Aug 13, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 13, 2024

Dear Chief Acosta,
Hiniram ng kaibigan ko ang aking motorsiklo. Ang usapan namin ay gagamitin niya itong pangsundo sa kanyang anak na nag-aaral at ito ay sa loob lamang ng 30 araw. Nabalitaan ko na habang inaantay niyang matapos ang anak niya sa eskwelahan ay suma-sideline pala siya bilang food delivery rider, at ang gamit niya sa paghahatid ng pagkain sa mga mamimili ay ang motorsiklo ko. Noong isang araw, habang siya ay nakaparada sa isang kainan, at habang naghihintay ng pagkain na dadalhin sa kanyang customer ay biglang natumba ang motorsiklo ko dahil sa malakas na hangin at nabasag ang side mirror nito. Nagasgasan din ang gilid ng motorsiklo ko. Ang gusto ng kaibigan ko ay maghati kami sa gastos dahil aksidente naman diumano ang nangyari at hindi naman niya ito kagustuhan. Maaari ko bang ipilit na siya lang ang may obligasyon na sagutin ang pampagawa ng motorsiklo ko?
– Luis
Dear Luis,
Base sa iyong isinalaysay, maaari mong ipilit sa iyong kaibigan na siya lang ang magbayad sa pagpapaayos ng iyong motorsiklo. Ayon sa Article 1942 ng New Civil Code:
“ARTICLE 1942. The bailee is liable for the loss of the thing, even if it should be through a fortuitous event:
If he devotes the thing to any purpose different from that for which it has been loaned;”
Sa ating batas, ang tawag sa taong nagpapahiram ng kanyang sariling gamit sa ibang tao nang walang bayad ay “bailor”. Ang tawag naman sa taong nanghihiram ng gamit mula sa ibang tao ay “bailee”. Ang kanilang kontrata ay tinatawag na “commodatum”.
Sa commodatum, ang isang tao ay nagpapahiram ng gamit sa ibang tao nang walang bayad o libre. Ang pagmamay-ari ng gamit na ipinahiram ay nananatili sa taong nagpahiram at hindi ito napapasa sa taong humiram. Dahil ang kontratang ito ay walang bayad, sinasabi sa batas na obligasyon ng taong humiram na ingatan ang gamit na kanyang hiniram, tulad ng pag-iingat ng isang tao sa kanyang sariling gamit. Maliban dito, obligasyon din ng taong humiram na bayaran ang anumang gastusin para sa pag-iingat at pangangalaga ng gamit na kanyang hiniram.
Ang taong humiram ay may pananagutan na ibalik ang kanyang hiniram na bagay sa parehong estado kung paano ito ibinigay sa kanya ng nagpahiram. Kung sakaling ang bagay na ipinahiram ay nawala, kahit na ito ay dahil sa aksidente o sa mga hindi inaasahang bagay, ang taong humiram ay mananatiling may pananagutan kung ang bagay na kanyang hiniram ay ginamit niya sa ibang bagay maliban sa pinag-usapang layunin ng pagpapahiram.
Samakatuwid, maaari mong ipilit sa iyong kaibigan na siya lang ang dapat gumastos sa pagpapagawa ng iyong nasirang motorsiklo kahit na ang pagkasira nito ay hindi dahil sa kanyang sariling kagagawan at ito ay dahil sa aksidente, sapagkat ginamit niya ang iyong motorsiklo sa ibang layunin maliban sa inyong pinag-usapan.
Sa kalagayan mo at ng iyong kaibigan, ang inyong napag-usapang layunin sa pagpapahiram ng motorsiklo mo ay ang pagsundo sa kanyang anak, ngunit ito ay ginamit niya sa paghahatid o pag-deliver ng mga pagkain sa mga taong umoorder sa kanya. Kaya naman, maaari mong sabihin sa kanya na obligasyon niya na isauli sa iyo ang motorsiklo mo sa kahalintulad na kondisyon kung paano niya ito tinanggap mula sa iyo noong ito ay ipinahiram mo sa kanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments