top of page

Pananagutan ng hotel sa pagkawala ng gamit ng guest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 9
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Apr. 9, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta, 


Nagbakasyon kami ng pamilya ko sa isang hotel sa Batangas na may safety vault sa loob ng tukador. Inilagay ko ang aking mga personal na dokumento at pera sa loob ng nasabing vault. Kami ay lumabas para kumain, ngunit pagbalik ko ay nakita kong nakabukas na ang vault at wala na ang aking mga dokumento at pera. Nagpunta ako sa front desk ng nasabing hotel para i-check ang CCTV video at nakita namin na may isang estranghero na pumasok sa amiNg kuwarto. Sa aming palagay ay may duplicate siya ng susi dahil madali niyang nabuksan ang pintuan ng aming kuwarto. Kaya naman, nagreklamo ako sa hotel, ngunit sinabi nila sa akin na hindi ko sila maaaring singilin dahil pumirma diumano ako ng kontrata na hindi sila ang magiging responsable kung sakaling mawala ang aking mga gamit. Maaari ba akong manghingi ng danyos? — Ernest



Dear Ernest,


Ang responsibilidad at pananagutan ng isang hotel sa mga gamit ng kanilang mga kliyente ay nakasaad sa Article 1999 ng New Civil Code of the Philippines: 


ARTICLE 1999. The hotel-keeper is liable for the vehicles, animals and articles which have been introduced or placed in the annexes of the hotel.” 


Malinaw na nakasaad sa nasabing artikulo na ang mga hotel ay may pananagutan sa anumang sasakyan, maging sa alagang hayop, at ano pa mang bagay na makikita o inilagay sa hotel. Kaya naman dapat nilang pangalagaan ang nasabing mga gamit, kasama na rito ang mga gamit ng mga taong nagbayad para panandaliang tumira sa hotel. 


Ang tanong ngayon ay kung papaano kapag mayroon kang pinirmahang kontrata na nagtatanggal ng pananagutan sa hotel? Nakasaad sa Article 2003 ng New Civil Code na: 


ARTICLE 2003. The hotel-keeper cannot free himself from responsibility by posting notices to the effect that he is not liable for the articles brought by the guest. Any stipulation between the hotel-keeper and the guest whereby the responsibility of the former as set forth in articles 1998 to 2001 is suppressed or diminished shall be void.” 


Dahil dito, kahit na mayroong pinirmahang kontrata ang customer o guest ng hotel na pinapayagan nilang mawalan ng pananagutan ang hotel kung may mawala sa kanilang mga gamit ay hindi maaaring maging depensa ito sa anumang danyos na maaaring singilin sa hotel. Ito ay dahil walang bisa ang nasabing kontrata dahil kontra ito sa probisyon ng batas patungkol sa responsibilidad at pananagutan ng isang hotel. 


Kaya naman, bagama’t mayroon kang kontratang pinirmahan na nagsasabing ang hotel ay walang pananagutan kung sakaling may mawala sa iyong gamit, maaari ka pa ring magsampa ng kaso laban sa nasabing hotel. Ang iyong pinirmahang kontrata ay maaaring ideklara na walang bisa dahil ito ay kontra sa mga probisyon ng batas patungkol sa responsibilidad ng hotel. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page