Pagtanggap ng pera, regalo, benepisyo o anumang prebilehiyo...
- BULGAR

- Nov 29, 2020
- 3 min read
Ipinagbabawal sa mga tagapaghatid ng balita
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 29, 2020
Ang gampanin ng mamamahayag na maghatid ng totoong balita sa ating lipunan ay tunay na napakahalaga. Ang maling balita ay maaaring makapanira ng kinabukasan, karera o buhay ng taong paksa (subject) ng nasabing hindi makatotohanang balita. Nakapaloob ang responsibilidad ng mga kawani sa Broadcast Media sa 2007 Broadcast Code of the Philippines.
Ang pangunahing layunin ng tagapaghatid ng balita ay iparating sa lipunan ang mahahalagang pangyayari. Bukod sa kahalagahan ng mga pangyayaring ito ay mahalaga na ang maiparating na impormasyon sa publiko ay tama. Ang broadcast media ay nand’yan upang magmasid sa mga nangyayari sa ating bansa at iparating sa bawat mamamayan ang mga usapin para maging alerto ang mga ito sa kaganapan sa loob at labas ng bansa. Ang tungkulin nila ay ang iparating sa taumbayan ang mga totoo at balanseng mga balita at opinyon. Ang responsableng pagbabalita at pagkokomentaryo ang totoong sandata ng bawat mamamahayag laban sa mga bumabatikos sa kanila.
Ang karapatan ng mga tagapaghatid ng balita para iparating sa mga tao ang mga totoong nangyayari sa kanilang kapaligiran ay hindi dapat hadlangan. Ang mamamayan ay may karapatang malaman ang mga bagay-bagay na nangyayari maging sa loob at labas man ng bansa nang sa gayun ay maging bukas ang kanilang mga isipan sa mga usapin at paksa na makaaapekto sa kanilang kapakanan. Ang mga usaping politikal ay dapat maiparating sa mamamayan dahil sila ang naglalagay ng mga taong inaasahan nilang sila ay pagsisilbihan ng buong katapatan. Kinakailangan lamang na ang mga pahayag na ito ay balanse at may katotohanan at hindi nababago sa pamamagitan ng pagbabawas o pagdadagdag ng impormasyon o detalye tungkol sa nasabing usapin.
Ang lahat ng ipinararating na balita ay marapat lamang na patas, makatarungan at may magandang layunin na iparating kung ano ang tama at may basehang balita. Kaya naman, ang panig ng bawat partido ay nararapat na naipararating upang ganap na maintindihan ng karamihan ang katotohanan sa mga balita (Section 3, Article 1, News and Public Affairs, 2007 Broadcast Code of the Philippines).
Dapat malaman ng mga kabahagi ng mga tagapaghatid ng balita na mahalaga ang dignidad ng tao. Marapat na maging responsable ang mga nagbabalita sa pagpapahayag ng kanilang mga opinyon sa mga bagay-bagay lalo pa nga at may kinalaman sa personal na buhay ng tao. Kaakibat ng bawat karapatang magpahayag ng opinyon tungkol sa paksa ay ang responsibilidad na maging patas sa lahat ng panig nang maiwasan ang pagkasira ng pagkatao ng tao nang taliwas sa itinakdang proseso ng batas.
Ang mga tsismis at usapang walang basehan ay hindi dapat na gawing balita ng mga tagapaghatid nito. Gayundin na ang dignidad ng mga bata ay marapat na pangalagaan. Ang lahat ng pagkakakilanlan ng mga batang nasangkot sa krimen ay marapat na manatiling lihim. Anumang panayam sa mga bata na sangkot dito ay maisasagawa lamang kung mayroong pagsang-ayon ang kanilang mga magulang (Section 6, Article 3, Coverage Involving Children, 2007 Broadcast Code of the Philippines).
Ipinagbabawal din sa mga tagapaghatid ng balita na tumanggap ng anumang pera, regalo, benepisyo o anumang prebilehiyo para magbigay ng pabor sa tao, grupo o institusyon habang ito ay nagbabalita. Anumang aksiyon na maaaring maging dahilan para masira ang pampublikong interes o magdulot ng pagkawala ng kredibilidad ng istasyon ay kinakailangang iwasan. (Article 31, Id.).
May mga batas tayong nagpapataw ng kaparusahan laban sa hindi responsable at hindi makatarungang paggamit ng karapatang maghatid ng balita o impormasyon at magpahayag ng sariling opinyon. Kabilang dito ay ang mga kasong Inciting to Rebellion or Insurrection, Inciting to Sedition, at Libel na nakatala at binigyang kahulugan sa Artikulo 138, 142, at 353 ng ating Kodigo Penal. Karaniwan sa mga ito ay ang kasong libelo na ayon sa Artikulo 353 ng nasabing batas. Ang libelo ay ang hayagan at malisyosong pagpaparatang laban sa tao ng krimen, bisyo o depekto, maging ito man ay totoo o imahinasyon lamang. Maaari ring ito ay aksiyon, kondisyon, sitwasyon o pagkakataon na maaaring maging sanhi ng kasiraan ng tao o magdulot ng kalapastanganan sa alaala ng isang taong namatay na.




Comments