Pagtalaga ni ex-P-Duterte kay Sen. Padilla bilang PDP president sablay?
- BULGAR
- Aug 6, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 6, 2024

MAY MGA NAKULONG NA NGA SA PORK BARREL, AYAW PA RIN ITONG TANTANAN NG MGA SEN. AT CONG. -- Ang hininging budget ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) last year (2023) para ngayong year 2024 ay P821.1 bilyon at wala isa man sa mga lawmaker na senador, district congressmen at partylist representatives ang tumutol dito, at sa closed-door bicameral committee conference meeting ng mga sen. at cong. ay siningitan o dinagdagan pa nila ito ng P176-B, kaya sa interview at tanong noon ni Radyo 5 host Ted Failon kay DPWH Sec. Manuel Bonoan, kung para saan ang idinagdag na P176-B ay kandautal at walang maisagot ang kalihim.
At sa panayam ni Failon kina former Sen. Ping Lacson at Zy-Za Suzara, executive director ng Institute for Leadership, Empowerment and Democracy (LEAD) ay iisa ang sagot nila, na itong idinagdag ng mga lawmaker na P176-B sa budget ng DPWH ay pork barrel.
Hay naku, may mga politician na ngang nakasuhan at nakulong d’yan sa pork barrel, pero itong mga sen. at cong., ayaw pa rin lubayan ang pork barrel, tsk!
XXX
PAGTALAGA KAY SEN. PADILLA BILANG PDP PRESIDENT, SABLAY? -- Matapos hamunin ni Partido Demokratiko ng Pilipinas (PDP) Pres., Sen. Robin Padilla ang kapartido niyang si Sen. Francis Tolentino, ang ginawa nito (Tolentino) ay tinanggap ang hamon, nag-resign siya sa PDP.
Naku, sablay yata ang pagkakatalaga ni ex-P-Duterte kay Sen. Padilla bilang PDP president kasi bilang bagong lider ng kanilang partido ay dapat pinakikiusapan nito ang mga miyembro na manatili sa kanilang political party, pero ang ginawa hinahamong mag-resign, kaya kung hindi babaguhin ng PDP president ang style niyang ito ay baka kalaunan ay silang dalawa na lang ng “Tatay Digong” niya ang matira sa PDP, boom!
XXX
NAGPABIDA PA SI PBBM PERO HINDI NAMAN PALA KAYANG IPA-STOP ANG ONLINE SABONG AT POGO -- Sa kabila na ipinagbawal na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang online sabong at Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), ay laganap pa rin sa social media ang mga pasugalang ito.
Kung hindi kayang ipatigil ng Marcos admin ang mga ganitong pasugalan, sana hindi na nagpapabida pa sa publiko si PBBM na ipinagbabawal na niya ang online sabong at POGO, period!
XXX
NALIMUTAN NA YATA NI PBBM NA FAKE NEWS ANG NAGPANALO SA KANYA -- Nanawagan si PBBM sa mainstream media na tulungan ang kanyang pamahalaan na labanan ang fake news sa social media.
Nalimutan na yata ni PBBM na fake news ng mga bayarang vloggers laban kay former Vice Pres. Leni Robredo ang nagpanalo sa kanya, he-he-he!
Comments