Pagtakbo sa lugar ng krimen, hindi sapat na ebidensya — CA
- BULGAR
- Jun 2
- 5 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 2, 2025
ISSUE #354
Ayon sa saksi, matapos umano ang pamamaril, may namataan diumano siyang dalawang tao na tumatakbo papunta sa kalsada. Dahil dito, ang dalawang namataan na tumatakbo na itago na lamang natin sa mga pangalang Jalen at Karl ay nadawit bilang mga kasabwat sa namataang pamamaril. Sa sitwasyong ito, tama ba ang kanilang pagkakadawit?
Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng Hukuman para sa mga Apela o Court of Appeals sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng aming tanggapan.
Sa kasong People v. Domingo, et al (CA-G.R. CR HC No. 197, Mayo 07, 2025) sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Marlene B. Gonzales-Sison, ating tingnan kung paano ang daing ng dalawa sa ating mga kliyente na sina Jalen at Karl, ay pinal na natuldukan nang sila ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng sabwatan sa pagpaslang o murder.
Bilang pagbabahagi, ating suriin ang mga naging paglalahad mula sa tagausig at akusado.
Sa buod ng mga naganap, noong ika-23 ng Enero 2013, si Mayor Toti, hindi nito tunay na pangalan ay nakatakdang dumalo sa isang seminar sa lungsod ng Maynila. Dahil dito, siya ay bumiyahe mula Isabela at nakarating ng hatinggabi sa nasabing petsa.
Si Mayor Toti ay nag-check-in sa isang apartelle sa lungsod ng Quezon. Kinaumagahan, si Mayor Toti at ang kasama nito na itago na lamang natin sa pangalang Lolong ay umalis at bumalik kinagabihan na.
Si Lolong ay nakakuha ng puwesto sa parking area ng apartelle sa kahabaan ng highway. Nauna siyang lumabas ng sasakyan at pumunta sa likod para ibaba ang mga bagahe nila.
Si Mayor Toti ay nasa backseat at bumaba sa kanang bahagi. Nakaharap si Lolong sa harap ng sasakyan nang marinig niya ang putok ng baril at narinig din niya na sumigaw ang mayor ng "Ay!" At pagkatapos ay bumagsak paatras at humandusay.
Tumingin si Lolong sa kaliwa niya at nakita niya ang dalawang taong tumatakbo palayo sa kalsada. Hinabol niya ang mga ito, subalit naglabas ng baril ang isa sa mga lalaki at nabaril siya sa binti. Sa kabilang banda, nakita rin niya ang dalawa pang taong tumatakbo patungo sa highway. Kinilala niya ang mga ito bilang ang mga akusadong sina Jalen at Karl.
Dinala si Lolong sa East Avenue Medical Center kung saan siya na-confine ng dalawang araw. Ang kanyang medico-legal certificate ay nagpakita na siya ay nagtamo ng maraming sugat ng baril at ang mga pinsalang ito ay mangangailangan ng medikal na atensiyon nang higit tatlumpung araw.
Sa kabilang banda, lumabas sa post-mortem examination ni Mayor Toti na nagtamo ito ng fatal gunshot wound na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Matapos ang paglilitis, bukod sa mga napatunayang namaril na siyang pangunahing salarin, sina Jalen at Karl ay hinatulan din ng hukuman o Regional Trial Court dahilan umano sa presensiya ng sabwatan o conspiracy sa pagpaslang kay Mayor Toti
Gayunpaman, sila ay pinawalang-sala sa kasong attempted murder kay Lolong dahil hindi aniya napatunayan na meron silang intent to kill. Ganunpaman, sila ay hinatulan ng serious physical injuries dahil sa mga sugat na tinamo ni Lolong.
Inakyat sa Hukuman para sa mga Apela o Court of Appeals sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Jeah Larisse R. Apa mula sa aming PAO- Special and
Appealed Cases Service (PAO-SACS) ang kaso nina Jalen at Karl.
Ayon kina Jalen at Karl, walang batayan ang hatol ng korte tungkol sa pagkakaroon ng pagsasabwatan, sapagkat gumawa lamang ito ng konklusyon. Naninindigan sila na hindi mapagkakatiwalaan ang testimonya ni Lolong na diumano'y nakita silang tumakas mula sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa kanila, nakita lang ni Lolong ang likod ng mga taong tumakas ayon mismo sa kanyang salaysay. Higit sa lahat, ang pagtakas ay hindi sapat na patunay ng pagsasabwatan
Iginiit pa ni Jalen na ang akusado ay maaari lamang managot sa kanilang sariling mga gawa dahil hindi naitatag ang pagsasabwatan. Bukod sa diumano'y nakita siyang tumakas, walang ibang mga aksyon na maaaring maging sanhi ng kanyang pananagutan bilang isang pangunahing akusado sa pamamagitan ng direktang pakikilahok. Iginiit niya na dapat ay binibigyan ng bigat ang kanyang alibi, lalo pa't pinatunayan ito ng isang taong hindi niya kamag-anak.
Ayon naman kay Karl, hindi napatunayan ng tagausig na sila ay “lookouts” kung ang namataan ni Lolong ay ang eksena kung saan ay sila ay tumatakbo lamang mula sa pinangyarihan ng krimen.
Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Mayo 07, 2025, pinal na tinuldukan ng Hukuman para sa mga Apela ang daing nina Jalen at Karl nang sila ay mapawalang-sala.
Isinaalang-alang ng Hukuman para sa mga Apela ang kakulangan ng ebidensya na nagpapakita ng sabwatan o direktang partisipasyon nina Jalen at Karl sa pagpatay kay Mayor Toti at sa mga sugat na tinamo ni Lolong, at dahil dito, hindi maaaring managot sina Jalen at Karl sa krimeng inihabla laban sa kanila.
Ayon sa Hukuman para sa mga Apela, wala sa mga tala ng kaso pati na rin sa mga testimonya ng mga saksi ng tagausig ang nagpatunay ng direktang pakikilahok nina Jalen at Karl. Dagdag pa ng Hukuman para sa Apela ang sabwatan o conspiracy diumano ay higit pa sa simpleng pagkakaibigan, at ang simpleng presensya sa lugar ng krimen ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng sabwatan.
Sa katunayan, kahit ang kaalaman tungkol sa, o pagpayag sa, o pagsang-ayon na makipagtulungan ay hindi sapat upang ituring ang isang partido na kabilang sa isang sabwatan, kung wala namang aktibong pakikilahok sa paggawa ng krimen na may layuning isulong ang karaniwang plano at layunin.
Bilang pagbibigay halaga sa mga nabanggit, mahalaga na ang sabwatan ay mapatunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa at ang mga haka-haka at ispekulasyon ay hindi sapat upang mapanatili ang isang hatol.
Sa kasong ito, bagama't maaaring magkaroon ng pagsasabwatan sa pagitan ng mga akusado na nagpaputok ng baril, ito ay hindi masasabi sa sitwasyon nina Jalen at Karl.
Sa kasong ito, nakita lamang ni Lolong na tumatakbo ang dalawa at wala ng iba. Ang kanilang pagtakbo ay maaaring bigyang-kahulugan sa iba't ibang paraan; ang isa ay marahil sa takot para sa kanilang buhay sa pag-aakalang may nagaganap na pamamaril. Maliban sa pagtakbo, ang tagausig ay walang ibang ebidensya na magpapatunay sa kanilang partisipasyon sa pagpatay sa biktima. Dahil dito, naaayon ang kanilang pagpapawalang-sala.
Samakatuwid, binibigyang-diin ng Hukuman para sa mga Apela na ang sabwatan ay dapat patunayan nang lampas sa makatwirang pagdududa. Dahil dito, ang ebidensyang tulad ng pagtakbo, na maaaring maipaliwanag sa iba’t ibang paraan ay hindi sapat kung ito lamang ang magiging batayan ng paggawad ng hatol na parusa sa akusado.
Sa kabilang banda, ang pagtakbo ay maaari ding maging hudyat ng pagliligtas sa sarili lalo kung ang sitwasyon ay tiyak na gigimbal at magdudulot ng pagbabanta sa kaligtasan.
Comments