Bawal ang dual scholarship sa mga benepisyaryo ng “Doktor Para sa Bayan Act”
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 12, 2026

Dear Chief Acosta,
Kasalukuyan akong iskolar ng pamahalaan sa ilalim ng Doktor Para sa Bayan Act. Kamakailan, inalok naman ako ng isang pribadong kumpanya na maging iskolar din nila. Sinabi nila na sasagutin nila ang aking matrikula at mga libro. Ang tanong ko po, maaari ba akong magkaroon ng isa pang scholarship kasabay ng programang ito ng pamahalaan? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat po. – Jam
Dear Jam,
Sa layunin ng gobyerno na makalikha ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan at mas malawak na access sa edukasyon, nagtatag ng isang scholarship at return service program upang lumikha ng mga oportunidad para sa mga mahihirap, kapus-palad, at hindi gaanong nabibigyan ng pribilehiyo na nagnanais na mag-aral ng medisina.
Ang Republic Act (R.A.) No. 11509, na mas kilala bilang “Doktor Para sa Bayan Act,” ay nagtatag ng isang scholarship at return service program na pinopondohan ng pamahalaan upang sagutin ang mga gastusin at bayarin sa buong panahon ng pag-aaral ng medisina. Gayunpaman, ang batas ay nagtakda rin ng ilang pamantayan o batayan ng diskuwalipikasyon na maaaring maging sanhi upang mawalan ng karapatan ang isang iskolar na patuloy na makinabang sa nasabing programa. Alinsunod sa Seksyon 7(a) ng nasabing batas:
“Section 7. Disqualifications. - The scholarship grant shall terminate, and the scholar shall repay the full cost of scholarship and related benefits received, including all the expenses incurred during the participation in the scholarship program in case of the following circumstances:
(a) If the scholar accepts another scholarship from other government or private agency or entity while enjoying the benefits under this Act;”
Ang isang kasalukuyang iskolar ay maaaring ituring na diskuwalipikado na magpatuloy sa pagtanggap ng mga benepisyo mula sa programa kung siya ay tatanggap ng iba pang scholarship mula sa pamahalaan o mula sa mga pribadong institusyon, kasabay ng Doktor Para sa Bayan scholarship.
Upang sagutin ang iyong katanungan, malinaw na ipinagbabawal ng batas ang pagtanggap ng iba pang scholarship kapag ikaw ay isa nang iskolar ng Doktor Para sa Bayan Program. Maaari kang matanggal sa programa kung tatanggapin mo ang alok ng pribadong kumpanya na sasagot sa iyong matrikula at mga libro. Dagdag pa rito, maaari ka ring obligahing mag-reimburse o magbayad ng lahat ng gastusin, bayarin, at iba pang benepisyong dati mo nang natanggap, kung mapatutunayang nilabag mo ang nabanggit na probisyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments