Ilehitimong anak, protektado ng batas kahit may panibagong habilin
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | March 13, 2026

Dear Chief Acosta,
Ilehitimong anak ako. Noong 2015 ay gumawa ang ama ko ng kanyang huling habilin, kung saan nilagay rin niya na kinikilala niya ako bilang kanyang ilehitimong anak. Makalipas ang dalawang taon, diumano ay gumawa ang tatay ko ng panibagong huling habilin kung saan sinasabi na binago niya ang kanyang mga pamamanahan. Noong namatay ang tatay ko, sinabi ng mga lehitimong anak niya na ang pagkilala diumano sa akin na nakasaad sa habilin na kanyang ginawa noong 2015 ay wala ng bisa dahil napalitan na ito. Gusto ko lang malaman kung tama ba sila? — Ardie
Dear Ardie,
Una sa lahat, alamin natin kung ano ba ang konsepto ng huling habilin. Ayon sa Article 783 ng New Civil Code, ang huling habilin ay naglalaman ng iba’t ibang disposisyon o pagpapamana ng isang tao. Maaaring isaad ng isang tao sa kanyang huling habilin kung sino-sino ang gusto niyang pamanahan at kung gaano kalaki ang mana ng bawat isa. Ngunit maliwanag sa batas na kailangang ang “form” o ang paggawa ng huling habilin ay naaayon sa batas upang ito ay magkaroon ng bisa. Ang nasabing huling habilin ay magkakaroon ng epekto pagkatapos mamatay ang isang tao.
Ang tanong ngayon ay kung sakaling ang isang tao ay gumawa na ng huling habilin, maaari pa ba niya itong bawiin? Ang sagot ay oo. Ayon sa Article 828 ng New Civil Code, ang isang huling habilin ay maaaring bawiin ng gumawa nito bago siya mamatay.
Kaya naman nakasaad sa Article 830 ng nasabing Code, na ang huling habilin ay maaaring bawiin sa pamamagitan ng: (1) batas; (2) sa paggawa ng panibagong huling habilin; o (3) sa pagsunog, pagpunit, pagkansela ng nasabing huling habiling, kalakip ng intensyon na ang nasabing huling habilin ay mawalan ng bisa:
“Art. 830. No will shall be revoked except in the following cases:
(1) By implication of law; or
(2) By some will, codicil, or other writing executed as provided in case of wills; or
(3) By burning, tearing, cancelling, or obliterating the will with the intention of revoking it, by the testator himself, or by some other person in his presence, and by his express direction.”
Nguni’t maliwanag din na nakasaad sa Article 834 ng New Civil Code, na kung ang isang tao ay kinilala ang kanyang ilehitimong anak sa kanyang huling habilin, at ang nasabing huling habilin at binawi sa pamamagitan ng paggawa ng panibagong huling habilin, ang pagkilala sa ilehitimong anak ay mayroon pa ring bisa sa kabila ng pagbawi ng naunang huling habilin:
“ARTICLE 834. The recognition of an illegitimate child does not lose its legal effect, even though the will wherein it was made should be revoked.”
Sa iyong sitwasyon, kung sakaling ang naunang huling habilin na ginawa ng iyong ama ay nabawi sa pamamagitan ng paggawa niya ng pangalawang huling habilin, ang pagkilala na ginawa ng iyong ama ay mananatiling may bisa kahit na mayroon na siyang pangalawang huling habilin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments