Pagtaas ng HIV cases sa kabataan, ‘wag dedmahin
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 29, 2026

Nakakabahala ang pagtaas ng tinatayang bagong kaso ng HIV sa mga kabataang Pinoy, hindi lamang dahil tumataas ang bilang, kundi dahil ipinapakita nitong may malaking puwang pa sa kaalaman, prevention at serbisyong pangkalusugan na dapat sana’y madaling naaabot ng kabataan.
Ayon sa bagong datos ng United Nations Children's Fund (UNICEF), ang tinatayang incidence ng bagong HIV infections sa mga Pilipinong edad 15 hanggang 19 ay umabot sa 0.49 kada 1,000 uninfected adolescents noong 2025. Malayo ito sa mas mababa sa 0.01 kada 1,000 noong 2000. Mula sa isa sa pinakamababang tinatayang rate sa Southeast Asia, nasa pinakamataas na ngayon ang Pilipinas sa rehiyon.
Hindi ito simpleng numero sa isang ulat. Sa likod ng bawat porsiyento ay may kabataang maaaring nangangailangan ng tamang impormasyon, access sa testing at serbisyong hindi mapanghusga.
Mas nakababahala ang malaking agwat ng Pilipinas sa ilang karatig-bansa. Habang bumaba ang tinatayang adolescent HIV incidence sa Thailand mula 1.80 kada 1,000 noong 2000 tungo sa 0.29 noong 2025, bumaba rin ito sa Myanmar mula 1.26 tungo sa 0.43 at sa Cambodia mula 0.68 tungo sa 0.16. Samantala, patuloy na tumaas ang tinatayang rate sa Pilipinas.
May mga hakbang na naman ang bansa. Ibinaba sa 15 ang edad para sa voluntary HIV testing sa ilalim ng Republic Act No. 11166. Kasama na rin sa Philippine National Formulary ang pre-exposure prophylaxis o PrEP, habang pinalawak ang comprehensive sexuality education.
Pero hindi sapat ang pagkakaroon ng batas at programa kung hindi naman pantay ang pagpapatupad. May mga lugar na nananatiling limitado ang access dahil sa cultural taboos, local resistance at iba pang hadlang sa sistema.
Dito dapat maging mas seryoso ang pamahalaan. Kailangang mailapit sa kabataan ang tamang impormasyon, confidential na testing at mga serbisyong pang-iwas sa HIV.
Hindi dapat maging dahilan ang hiya, takot o stigma para hindi makalapit ang isang kabataan sa serbisyong pangkalusugan.
Mahalaga rin ang papel ng paaralan, pamilya at komunidad. Ang tamang edukasyon ay hindi dapat nauuwi sa pananakot o panghuhusga. Mas kailangan ang mahinahon, siyentipiko at responsableng pagpapaliwanag upang matutong pangalagaan ng kabataan ang kanilang kalusugan.
Ipinapakita ng karanasan ng Thailand, Myanmar at Cambodia na maaaring bumaba ang HIV incidence kapag seryoso at tuluy-tuloy ang prevention. Hindi pa huli para baguhin ang direksiyon ng Pilipinas.
Ang tunay na laban sa HIV ay hindi lamang laban sa virus. Laban din ito sa misinformation, stigma, kawalan ng access at katahimikang pumipigil sa mga kabataan na humingi ng tulong. Kung nais nating protektahan ang susunod na henerasyon, kailangang magsimula ngayon—sa tamang impormasyon, accessible na serbisyo at isang lipunang marunong umunawa bago manghusga.





Comments