Sa buwan ng rosaryo, lalong tumitibay ang ugnayan ng Diyos at tao at ng sambayanan

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 13, 2026

Tatlong sunud-sunod na pagdalaw ang naranasan ng mga parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Proj.8, Quezon City. Noong huling linggo ng Setyembre dumating ang “Pilgrim-Image ni San Jose, Ama ni Hesus” na Patron ng Parokya ni San Jose sa Proj. 2-3, Quezon City. Inihatid ang imahe ni San Jose ni Padre Gelo Parlan, Paring-Bikaryo ng naturang parokya. Hindi natin natanggap ang Imahe ni San Jose sa paghatid nito dahil sa napaka agang pag-alis namin nina Padre Bong Turingan para sa Paliparan ng Clark patungo sa Basco, Batanes.
Tiyak na naging maganda, maayos at makabuluhan ang aming pagdalaw sa Batanes dahil sa pagdalaw din ng “Pilgrim Image” ni San Jose ng Proj. 2-3, Quezon City. Dahil sa maulang panahon noong buwan ng Setyembre, halos walang biyaheng Manila-Basco, Batanes. Ngunit mula sa aming pag-alis ng Maynila tungong Batanes hanggang sa aming pagbalik, maganda at mapayapa ang panahon. Salamat mahal na San Jose.
Noong nakaraang Martes, ika-6 ng Oktubre 2026, dumating din na maganda ang panahon at tinanggap ng marami-raming parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo ang “Pilgrim-Relic” ni San Francisco ng Assisi.
Hindi natin alam kung gaano kasaya ang mga parokyano sa pagdating ng “relic “ ng Amang Serafico ng mga Franciscano, ngunit sa totoo lang, masayang-masaya tayo dahil naging isa tayong kasapi ng pamilya Pransiskano kasama ng mga Order of Friars Minor o Orden di Fratres Minores.
Bumalik din ang maraming alaala ng panahon natin sa Italya nang nag-aaral tayo sa Roma at ang hindi mabilang na pagdalaw natin sa puntod ni Francesco sa Basilica ng Porciuncula kung nasaan ang simbahang inayos ni Francis.
Sa gitna ng altar ng naturang kapilyang inayos ng santo ay makikitang nakasabit ang Krus na nagsalita sa kanya. Tumagal ng apat na araw ang “relic” ni San Francisco sa aming parokya. Inilipat ito sa susunod na tatanggap na parokya pagkatapos ng Misa sa ika-7 ng umaga hanggang sa ika-10 ng Oktubre.
Pagkaraan ng dalawang magkasunod na linggo ng pagdalaw ng mga banal na tanda ng pananampalatayang Katoliko, ang Imahe ni San Jose at ang “relic” ni San Francisco, nangarap nang magpahinga ang mga “parish volunteers,” ngunit hindi ito ang plano ng Diyos.
Ilang oras lang pagkatapos sunduin ang relik ni San Francisco, nagsimula nang maghanda ang parokya Para sa Grand Rosary Rally ng Bikaryato ng Santo Niño na binubuo ng pitong parokyang magkakalapit.
Katatapos pa lang mananghalian ang mga parokyano ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo, nagsimula nang magdatingan ang mga kinatawan ng pitong magkakalapit na parokya sa Project 8. Alas-2 pa lang ng hapon halos puno na ang simbahan ng mga makikiisa sa Grand Rosary Rally. Kapag merong anumang pagkilos kaugnay ang mga pista ng Inang Maria, asahan natin ang pagdagsa ng mga Katoliko na likas ang deboto sa Inang Maria.
Nang buksan natin ang masaya at masiglang liturhiya ng Grand Rosary, buo na ang bilog ng mga deboto sa hugis ng rosaryo. Mula gitna ng altar gumapang ang mga taong nakatayo na may hawak na basong may laman na kandila. Isa-isang sisindihan ang mga kandila mula gitna ng altar paikot ng buong simbahan hanggang madasal na ang pinaka huling Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati. Bagamat walang upuan, walang alisan sa puwestong nakatayo ang lahat ng nasa loob ng simbahan, walang maririnig at makikitang naiinip o napapagod. Taimtim at masaya ang pagdarasal ng rosaryo ng Inang Maria kasabay ang pagbasa sa iba’t ibang kuwentong kaugnay ng bawat misteryo ng galak.
Nabanggit natin sa simula ang karaniwang gawain ng pagputol ng rosaryong nakabalot sa mga kamay ng yumaong ililibing. Ipinaliwanag nating hindi angkop at hindi maganda ang pagputol ng rosaryo para sa anumang kadahilanan. Napakalinaw na hindi puputulin ang rosaryong binubuo ng limangpu’t siyam (59) na beads dahil hindi dapat maputol ang kaugnayan ng lahat sa Diyos, kay Kristo at kay Inang Maria na siyang gumagawa ng paraan para higit na palakasin ang nasabing kaugnayan.
At ganon nga ang damdamin ng lahat sa pagtatapos ng Grand Rosary Rally. Higit na sumigla at tumatag ang kaugnayan ng lahat, hindi lang sa Inang Maria kundi sa kanyang Anak at sa Ama at Espiritu nito. Sa kabila ng anumang pagod o hirap sa pagtanggap hanggang sa pag-alis ng mga banal na tanda ng pananampalataya at ng mga mananampalatayang deboto ng mga ito, napakalaking biyaya ang pinagkakaloob sa lahat: ang pagpapalakas, pagpapalalim ng kaugnayang nagbibigay buhay at umaakay sa lahat sa ganap na buhay at kaligtasan! Amen.





Comments