top of page
Anjo sa Pinoy Pawnstar.jpg

Smart Kids Act, hakbang kontra pang-aabuso online

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 13, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, inaprubahan na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, isang panukalang batas na magbabawal sa mga menor-de-edad na gumamit ng social media, kabilang ang mga itinuturing na high-risk digital services.


Bilang isa sa mga may akda ng panukalang ito, ikinagagalak natin ang pag-usad nito upang maging isang ganap na batas. Para sa inyong lingkod, napapanahon ang pag-apruba ng Senado sa panukalang ito, lalo na at patuloy nating nakikita ang mga pinsalang dulot ng lubos na paggamit ng mga menor-de-edad sa social media. 


Nakakabahala rin ang mga lumabas na ulat may mga masasamang loob na ginagamit ang social media upang gamitin ang mga kabataan sa pagpapalaganap ng karahasan. Nagbabala ang mga awtoridad sa tinatawag na nihilistic violent extremism (NVE), kung saan ginagamit ng mga masasamang loob ang social media, pati na rin ang mga gaming platforms, upang i-target ang mga kabataan at hikayatin silang gumawa ng karahasan. 


Batay rin sa mga imbestigasyon, may kaugnayan ang NVE sa mga naiulat na insidente ng karahasan sa ating mga paaralan. Nais kong bigyang diin ang naging papel ng social media upang itulak ang ating mga mag-aaral tungo sa karahasan, kaya naman ngayon pa lang, hindi na natin dapat hintayin pang lumala ang pinsalang dulot nito sa ating mga kabataan. 


Nais ko ring bigyang diin na marami nang ibang bansa ang nagbabawal sa kanilang mga menor-de-edad na gumamit ng social media. Ang bansang Australia ang unang nagpatupad ng ganitong polisiya. Sa mga karatig nating bansa sa Timog-Silangang Asya, nauna nang magpatupad ng parehong polisya ang Indonesia at Malaysia.


Kaya naman sa ilalim ng SMART KIDS ACT, hindi na papayagang mag-register, gumawa, mag-access, gumamit, o magpanatili ng account ang mga batang wala pang 18 taong gulang sa anumang high-risk digital service, kabilang iyong mga may social networking functions.


Nakasaad din sa panukalang batas na ganap ang pagbabawal at hindi ito maaaring lampasan sa pamamagitan ng pahintulot at supervision ng mga magulang o guardian.


Para naman sa mga high-risk digital services, magiging mandato sa kanilang magpatupad ng matatag na age-verification systems at agad na tanggalin, suspindihin, o i-disable ang mga kasalukuyang account na pagmamay-ari ng mga menor-de-edad. Gayunpaman, hindi saklaw ng isasagawang paghihigpit ang mga lehitimong educational platforms at ilang partikular na low-risk services.


Mahalagang hakbang ang pagpasa ng panukalang batas na ito para sa kapakanan ng ating mga kabataan. Kasabay nito, patuloy rin nating susuportahan ang mga programang magtataguyod sa kanilang kaligtasan.




May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page