Pagtaas ng heat index hindi na ligtas, publiko, pinag-iingat
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 8, 2026

Sa lumalalang init na nararanasan sa iba't ibang bahagi ng bansa, hindi na ito simpleng usapin ng panahon lamang—kailangan na itong bigyang-pansin. Ang patuloy na pagtaas ng heat index ay malinaw na babala sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Kapag umabot sa mapanganib na antas ang init, hindi lamang ito nagdudulot ng kakulangan sa ginhawa kundi isang seryosong banta sa mga manggagawa, estudyante, at ordinaryong Pilipino na kailangang kumilos sa labas araw-araw.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), may tatlong lugar sa bansa na inaasahang makararanas ng pinakamataas na heat index na 40°C: Dumangas sa Iloilo, Borongan sa Eastern Samar, at Cotabato City sa Maguindanao. Ang antas na ito ay kabilang sa kategoryang “extreme caution” (33°C hanggang 41°C).
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay tumutukoy sa “apparent temperature,” o ang init na aktuwal na nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang temperatura at humidity. Sa ilalim ng extreme caution, maaaring makaranas ang tao ng heat cramps at heat exhaustion, at ang patuloy na pagkabilad sa araw ay maaaring magdulot ng heat stroke, isang kondisyong delikado sa kalusugan.
Bukod sa mga lugar na may 40°C, may iba pang lugar na nagtala ng mataas na heat index:
39°C: Sangley Point (Cavite City), Coron (Palawan), San Jose (Occidental Mindoro), Butuan City (Agusan del Norte)
38°C: Iba (Zambales), Calapan (Oriental Mindoro), Cuyo (Palawan), Legazpi City (Albay), Pili (Camarines Sur), Iloilo City, La Granja (Negros Occidental), Catarman (Northern Samar), Tacloban City (Leyte), Zamboanga City
37°C: NAIA (Pasay City), Bacnotan (La Union), Muñoz (Nueva Ecija), Camiling (Tarlac), Tanauan (Batangas), Puerto Princesa City, Daet (Camarines Norte), Catbalogan (Western Samar), Baybay (Leyte), Dipolog, Musuan (Bukidnon), Davao City
36°C: Dagupan City, Baler (Aurora), Subic Bay (Olongapo), San Ildefonso (Bulacan), Hacienda Luisita (Tarlac), Alabat (Quezon), Aborlan (Palawan), Masbate City, Juban (Sorsogon), Roxas City, Mambusao (Capiz), Dumaguete City, Siquijor, Panglao (Bohol), Guiuan (Eastern Samar), Maasin (Southern Leyte), General Santos City, Surigao City, Hinatuan (Surigao del Sur)
35°C: Science Garden (Quezon City), Tuguegarao City, Bayombong (Nueva Vizcaya), Casiguran (Aurora), Clark Airport (Pampanga), Mulanay (Quezon), Los Baños (Laguna), Romblon, Guinobatan at Daraga (Albay), Mactan Airport (Cebu), Laguindingan Airport (Misamis Oriental)
34°C: Sinait (Ilocos Sur), Batac (Ilocos Norte), Echague (Isabela), Infanta (Quezon)
33°C: Laoag City, Aparri (Cagayan), Indang (Cavite), Malaybalay (Bukidnon)
Ang ganitong ulat mula sa PAGASA ay hindi dapat balewalain. Ang mataas na heat index ay may direktang epekto sa kalusugan ng mga manggagawang nasa kalsada, estudyanteng naglalakad papasok sa paaralan, at pamilyang walang sapat na proteksyon laban sa init.
Mahalagang maging maingat sa matinding panahon: uminom ng sapat na tubig, iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw, at sundin ang mga babala ng otoridad. Kung hindi naman kinakailangan, mas mainam na manatili sa loob ng bahay.
Ang lumalalang init ay paalala na patuloy ang pagbabago ng kalikasan. Responsibilidad ng bawat isa na maging handa, maingat, at mapagmatyag upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng buong komunidad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com



Comments