Pagsusuot ng helmet, required kahit residential area
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 2, 2026

Dear Chief Acosta,
Upang makatipid sa oras at gasolina, minabuti naming mag-asawa na gumamit ng motorsiklo papasok sa trabaho. Ang daang dinadaanan namin ay isang maliit na residential area at halos wala namang dumadaang mga sasakyan. Kaya nais kong malaman kung kinakailangan pa bang bumili ng helmet para sa aking asawa na sasakay lamang sa likod ko. Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po.
— Jigo
Dear Jigo,
Layunin ng Estado na protektahan ang kaligtasan ng mga tao, lalo na ang mga nagmamaneho ng motorsiklo at ang kanilang mga sakay, laban sa mga seryosong aksidente na maaaring magdulot ng matinding pinsala o posibleng kamatayan. Kaya naman, ipinapatupad ang obligadong pagsusuot ng tamang helmet para masigurong ligtas ang lahat ng mga rider, pasahero, at pati mga naglalakad.
Ayon sa Seksyon 3 ng Republic Act (R.A.) No. 10054, na kilala rin bilang “Motorcycle Helmet Act of 2009”:
“Section 3. Mandatory Use of Motorcycle Helmets. – All motorcycle riders, including drivers and back riders, shall at all times wear standard protective motorcycle helmets while driving, whether long or short drives, in any type of road and highway.
Standard protective motorcycle helmets are appropriate types of helmets for motorcycle riders that comply with the specifications issued by the Department of Trade and Industry (DTI).”
Batay sa nabanggit na batas, lahat ng sakay ng motorsiklo, kabilang ang mga driver at back rider, ay kailangang magsuot ng helmet sa lahat ng oras, maging maikli man o mahaba ang biyahe, at anuman ang uri ng kalsada o lansangan na kanilang dinaraanan.
Dagdag pa rito, ang helmet na dapat isuot ng mga sakay ng motorsiklo ay hindi basta anumang helmet lamang, kundi yung mga angkop na uri ng helmet na sumusunod sa mga pamantayang itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI).
Upang sagutin ang iyong katanungan, kinakailangan pa ring bumili at gumamit ng helmet ang iyong asawa kahit siya ay sasakay lamang sa likod ng motorsiklo, at kahit na ang kalsadang dinaraanan ay isang residential na lugar lamang. Ang sinumang lalabag sa batas na ito ay maaaring humarap sa multa o pagkakumpiska ng driver’s license. Ayon sa Sekyon 7 ng batas:
“Section 7. Penalties. - (a) Any person caught not wearing the standard protective motorcycle helmet in violation of this Act shall be punished with a fine of One thousand five hundred pesos (Php1,500) for the first offense; Three thousand pesos (Php3,000) for the second offense; Five thousand pesos (Php5,000) for the third offense; and Ten thousand pesos (Php10,000) plus confiscation of the driver's license for the fourth and succeeding offenses.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments