top of page

Pagsira ng bakod ng pinagtatalunang lupain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 15, 2024
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 15, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Dahil sa galit at inis, sinira ng kapitbahay namin ang aming bakod. Ayon sa kanila, ito diumano ay sumakop sa kanilang lote kaya may karapatan silang sirain ito. Kami ay sigurado na hindi ito kabilang sa sukat ng kanilang lote base sa aming titulo ng lupa. Sila ba ay may krimen na ginawa? Tama ba na mayroon silang karapatan dahil lamang sa kanilang idineklara na kanila ang parte ng lupa na tinayuan namin ng bakod? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Jinny



Dear Jinny,


Ayon sa Artikulo 327 ng Revised Penal Code of the Philippines, ang sinumang sadyang nagdulot ng pinsala sa pag-aari ng iba na hindi nauukol sa mga tuntunin ng batas ay mananagot sa krimen na Malicious Mischief:


Art. 327. Who are liable for malicious mischief- Any person who shall deliberately cause to the property of another any damage not falling within the terms of the next preceding chapter, shall be guilty of malicious mischief.”


Ang krimen na Malicious Mischief ay may tatlong elemento. Sa kasong Taguinod vs. People of the Philippines (G.R. No. 185833, 12 October 2011), inihayag ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Diosdado M. Peralta na:


The elements of malicious mischief are as follows:


(1) That the offender deliberately caused damage to the property of another;

(2) That such act does not constitute arson or other crimes involving destruction;

(3) That the act of damaging another’s property be committed merely for the sake of damaging it.”


Ibig sabihin, upang mapatunayan ang krimen na Malicious Mischief, ang nagkasala ay dapat sadyang nagdulot ng pinsala sa pag-aari ng iba, ang kanyang ginawa ay hindi arson o panununog ng ari-arian ng iba, o iba pang mga krimen na kinasasangkutan ng pagkasira ng ari-arian, at ang kanyang ginawa ay para lamang sa layunin ng pagsira ng mga ito.


Para sagutin ang iyong katanungan, ang pagsira ng iyong kapitbahay ng iyong bakod ay maaaring maging krimen na Malicious Mischief kung ang pagsira ay sadyang ginawa upang magdulot ng pinsala sa iyong bakod at ito ay ginawa para lamang sirain. 


Samantala, ang pagdedeklara ng iyong kapitbahay na sila ang may-ari ng lupang kinatatayuan ng bakod ay hindi nangangahulugang legal ang kanilang ginawang pagsira nito. Sa katunayan, ayon sa kasong Grana vs. People of the Philippines (G.R. No. 202111, 25 November 2019), nilinaw ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Ramon Paul L. Hernando na:


Assuming that petitioner Teofilo owned the property in controversy, he and his co-accused were not justified in summarily destroying the improvements built thereon by Bolbes. They unlawfully took the law into their own hands when they surreptitiously entered Bolbes’s enclosed lot and destroyed its fence and foundation.”


Kaya naman, ang pag-aangkin ng inyong kapitbahay sa pinagtatalunang lupa ay hindi nangangahulugan na maaari na nilang gawin ang kanilang nais sa bakod na itinayo mo. Walang sino man ang maaaring maglagay ng batas sa kanilang sariling kamay. Hangga’t walang anumang utos o direktiba mula sa korte, hindi maaaring kumilos ang sino man sa isang pinagtatalunang ari-arian.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page