top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pagsasawalambisa ng pagiging guardian ng mga kapatid

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 22, 2020
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 22, 2020



Dear Chief Acosta,


Ang mga magulang ko ay sumakabilang-buhay na. Naiwan kaming tatlong magkakapatid kung saan ang aming nakatatandang kapatid na babae ang itinalaga ng Korte bilang legal na tagapangasiwa ng mga naiwang ari-arian ng aming ama na siyang pinakahuling. Habang isinasaayos namin ang paghahati ng iniwang ari-arian, na aming inaasahang mamanahin ay nakita ng isang kapatid ko ang huling habilin ng tatay namin sa isa sa aming lumang bahay. Dahil dito ay sinasabi ng bunso kong kapatid na wala nang bisa ang pagiging tagapangasiwa ng ate ko. Hindi diumano ito totoo sabi ng ate ko dahil kailangan muna payagan at tanggapin ng Korte ang huling habilin ng tatay namin bago siya mawalan ng kapangyarihan bilang tagapangasiwa. May sinasabi ba ang batas tungkol dito? – Raiah


Dear Raiah,


Para maintindihan ang inyong sitwasyon, kinakailangang maunawaan na ang tagapangasiwa o administrador ng estate o naiwang ari-arian ng yumao ay itinatalaga ng Korte sa bisa ng letter of administration kung saan inaatasan ang taong ito na sumunod sa mga tungkuling itinatakda ng batas tungkol sa pamamahala ng estate. (Florenz D. Regalado, Remedial Law Compendium, 10th Ed., 2004).


Ang pagtatalaga ng Korte ng tagapangasiwa ng estate ay hindi permanente o lubusan. Ang kapangyarihan ng tagapangasiwa ay maaaring mabawi ayon sa mga batayan na itinatakda ng batas. Ayon sa Rule 82, Section 1 ng Rules of Court, isa sa mga dahilan para mabawi ang kapangyarihan ng tagapangasiwa ng estate ay ang pag-aapruba ng Korte sa huling habilin ng nag-iwan ng estate.


Kaugnay nito, ang paglabas ng huling habilin ay maaaring makaapekto sa kapangyarihan ng inyong ate bilang tagapangasiwa ng estate. Kapag naaprubhan ng Korte ang lumabas na huling habilin ng inyong ama ay mababawi ang kapangyarihan ng inyong ate bilang tagapangasiwa ng estado niya. Ngunit tandaan na hindi agarang mawawalambisa ang pagkakatalaga bilang tagapangasiwa ng inyong ate dahil lamang natagpuan ang huling habilin ng inyong tatay. Kinakailangan munang aprubahan ng Korte ang natagpuang huling habilin ng inyong ama bago ito magkabisa. Mabuti ring tandaan na naaayon sa batas ang patuloy na pagiging tagapangasiwa ng estate ng inyong ate hangga’t hindi pa naaaprubahan ng Korte ang natagpuang huling habilin ng inyong ama.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page