top of page

Pagsasampa ng kasong murder

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 22
  • 4 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 22, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Biktima ang kababata ko ng hindi makatwirang pananalakay na naging sanhi ng kanyang kamatayan. Hindi pa nakapagsasampa ng reklamo ang kanyang pamilya dahil sa magkakaiba na payo na ibinigay sa kanila. Nais sana nilang maghain ng reklamo para sa krimeng murder, base sa payo ng isang law student na kapitbahay nila, dahil mayroon diumanong abuse of superior strength sa nangyari na pananalakay. Ayon diumano sa isang saksi, tatlo ang mga salarin. Maliban sa sunud-sunod na mga suntok na kanyang tinamo, ginamitan pa umano ang kababata ko ng sumpak na nagdulot ng matitinding pinsala sa kanyang ulo at leeg. Sa kabilang banda, mayroong nakapagsabi sa kapatid ng kababata ko na diumano ay hindi nangangahulugan na mayroong abuse of superior strength na agad dahil lamang sa tatlo ang mga salarin at mayroong sumpak na ginamit ang mga ito. Sana ay mabigyan ninyo ng linaw ang magkaiba na payo na ibinigay sa pamilya ng kababata ko upang magkaroon ng gabay sa kanilang pagnanais na makamit ang katarungan. -- Jordan



Dear Jordan,


Ang Murder ay isa sa mga ikinokonsidera bilang heinous o kasuklam-suklam na krimen. Karaniwan na makikita sa mga sirkumstansya na bumubuo sa malagim na insidente ng ganitong uri ng pamamaslang ay ang lubos na kawalan ng pagsasaalang-alang at pagpapahalaga ng salarin sa buhay ng biktima. Kaya rin naman napakabigat ng parusa na ipinapataw ng ating batas sa sinuman na mapatutunayan na gumawa ng krimen na ito.


Upang managot ang inaakusahan ng krimen na Murder ay kinakailangan na mapatunayan ng nag-uusig ang mga sumusunod na elemento: una, mayroong tao na napaslang; ikalawa, ang inaakusahan ang gumawa ng pamamaslang; ikatlo, mayroon ang alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, hindi Parricide o Infanticide ang naganap na pamamaslang.


Kaugnay ng ikatlong elemento na nabanggit, ang isa sa mga qualifying circumstances na magtataas ng krimen sa Murder ay ang paggamit ng salarin ng bentahe ng higit na lakas o ang tinatawag na “taking advantage of superior strength.” Mainam na maintindihan na ang sirkumstansya na ito ay hindi lamang nangangahulugan na higit na bilang ng mga salarin o ang kanilang paggamit ng armas o sandata. Bagkus, mahalaga na mapatunayan ang ganap at lubos na hindi pagkakapantay ng lakas o puwersa ng salarin sa kanyang biktima. 


Maliban sa higit na bilang ng salarin kumpara sa biktima, isinasaalang-alang din ang sama-sama o pangkalahatan na puwersa na ginamit ng salarin, ang kanyang/kanilang kasanayan at kakayahan, maging ang sandata, armas o iba pang bagay na kanyang/kanilang ginamit upang maisakatuparan ang pamamaslang sa biktima o ang pananakit sa biktima na naging sanhi ng kamatayan nito. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando, sa kasong People of the Philippines vs. Orlando Padilla and Danilo Padilla (G.R. No. 247824, February 23, 2022):


“In Evasco, this Court held:


The determination of whether or not the aggravating circumstance of abuse of superior strength was attendant requires the arduous review of the acts of the accused in contrast with the diminished strength of the victim. There must be a showing of gross disproportionality between each of them. Mere numerical superiority on the part of the accused does not automatically equate to superior strength. The determination must take into account all the tools, skills and capabilities available to the accused and to the victim to justify a finding of disproportionality; otherwise, abuse of superior strength is not appreciated as an aggravating circumstance.


Here, this Court fully agrees with the findings of the CA that indeed abuse of superior strength was present in the commission of the crime. Indeed, to take advantage of superior strength means to use purposely excessive force that is out of proportion to the means of defense available to the person attacked. In the present case, the evidence gathered shows that the victim was unarmed when he was attacked by accused-appellants, who were not only superior in number but had access to, and in fact used, a weapon in form of a knife. Moreover, it was established that when the victim was already defenseless and weak from the stab wound and the mauling, he was unnecessarily hit with a big stone that ensured his death. Thus, the fact that the victim was outnumbered without means to put up a defense as he was taken to a place where rescue would be close to impossible and the fact that accused-appellants and Antonio used weapons out of proportion to the defense available to the victim, i.e. a knife and a big stone, fully establish the qualifying aggravating circumstance of abuse of superior strength.”


Sa sitwasyon na iyong naibahagi, kinakailangan na malinaw na maisalaysay ng nakasaksi sa pananalakay sa iyong kababata na siya ay naroon noong naganap ang insidente at positibo niyang maipahayag kung ano ang mga ginawa at/o partisipasyon ng bawat salarin sa panununtok, pambubugbog at/o paggamit ng sumpak sa biktima, kung may sandata o armado rin ba ang biktima o hindi, at ang iba pang mahahalagang impormasyon na maaari na magpatibay na sadyang higit ang lakas at puwersa ng mga salarin kung ikukumpara sa biktima. Mahalaga rin na mayroong katibayan na ang mga tinamo na pinsala ng iyong kababata ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay at ang ibang mga rekisitong itinatakda ng batas para sa krimen na Murder.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page