top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Pagsasampa ng kasong constructive dismissal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 15, 2025
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Jan. 15, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Tila hindi na maganda ang aking kalagayan dito sa aking trabaho. Sunud-sunod ang natatanggap kong Notice to Explain o NTE mula sa aming kumpanya. Dahil dito, nag-iisip akong magsampa ng kaso laban sa aking employer. May nakapagsabi sa akin na constructive dismissal diumano ang ginagawa sa akin at huwag daw akong mag-resign dahil mahihirapan diumano ako. Maaari ba akong magsampa ng kasong constructive dismissal kahit ako ay kasalukuyang nagtatrabaho pa rin sa kanila? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — CJ



Dear CJ,


Patuloy na binibigyang halaga ng ating pamahalaan ang karapatan ng mga manggagawa laban sa opresyon o hindi pantay na pagtingin sa lahat ng klase ng manggagawa. Kabilang dito ang paninigurado na ang bawat manggagawa ay hindi kailanman makararanas ng hindi patas na pagtrato, na maaaring maging sanhi ng kanilang pagbibitiw sa trabaho.


Ayon sa Gan vs. Galderama Philippines Inc., G.R. No. 177167, 17 January 2013, na isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Diosdado M. Peralta, ang constructive dismissal ay ang sapilitang pagbitiw o pag-alis sa trabaho dahil sa mga nararanasang hindi kaaya-ayang pagtrato. Nakasaad sa nasabing desisyon ng Korte Supreme na:


To begin with, constructive dismissal is defined as quitting or cessation of work because continued employment is rendered impossible, unreasonable or unlikely; when there is a demotion in rank or a diminution of pay and other benefits. It exists if an act of clear discrimination, insensibility, or disdain by an employer becomes so unbearable on the part of the employee that it could foreclose any choice by him except to forego his continued employment. There is involuntary resignation due to the harsh, hostile, and unfavorable conditions set by the employer. The test of constructive dismissal is whether a reasonable person in the employee’s position would have felt compelled to give up his employment/position under the circumstances.”


Ang constructive dismissal ay ang pagtigil sa trabaho dahil ang pagpapatuloy nito ay hindi na posible o hindi makatwiran. Ito rin ay nangyayari kung may pagbaba ng ranggo, suweldo o iba pang benepisyo. Maituturing ding constructive dismissal kung mayroong malinaw na diskriminasyon o pang-aalipusta ang isang employer, kung saan ang manggagawa ay napipilitang talikuran ang kanyang patuloy na pagtatrabaho. Ang constructive dismissal ay patuloy na binibigyang depinisyon ng Korte Suprema base sa mga angkop at napapanahong pangyayari sa ating lipunan.


Batay sa mga inilatag na kahulugan sa itaas, ang constructive dismissal ay karaniwang nakabase sa pagtigil sa trabaho ng isang empleyado dahil sa mga hindi tamang nararanasan dulot ng kanyang employer. Ang pagsampa ng constructive dismissal ay nangangailangan ng pagbitiw o pag-alis sa pinapasukang kumpanya. 


Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi pa maituturing na constructive dismissal ang kasalukuyan mong sitwasyon dahil ikaw ay patuloy na nagtatrabaho pa rin sa iyong employer. Ang iyong pag-alis mula sa kumpanya, dulot ng hindi tama at hindi makatwirang pagtrato ng iyong employer, ang siyang magbibigay sa iyo ng karapatan na magsampa ng kasong constructive dismissal.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page