top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Pagputol ng ugnayang legal sa pagitan ng bata at legal na magulang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 14
  • 3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 14, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nabalitaan ko po ang tungkol sa administratibong pamamaraan ng pag-aampon. Kaugnay nito, nais ko sanang malaman kung sinu-sino ang maaaring i-adopt o ampunin, at kung ano ang nagiging epekto nito sa ugnayang legal sa pagitan ng tunay na mga magulang at ng inampon matapos ang paglabas ng decree of adoption. Maraming salamat po sa inyong magiging paglilinaw rito, Chief Acosta. — Dietrich





Dear Dietrich,  


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay matatagpuan sa ating mga umiiral na batas, partikular sa Republic Act (R.A.) No. 11642, na mas kilala bilang “Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.”


Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 22 ng nasabing batas kung sino ang mga maaaring ampunin:


“Section 22. Who May Be Adopted. – The following may be adopted:

(a) Any child who has been issued a CDCLAA;

(b) The legitimate child of one spouse by the other spouse;

(c) An illegitimate child by a qualified adopter to improve status of legitimacy;

(d) A Filipino of legal age if, prior to the adoption, said person has been consistently considered and treated by the adopters as their own child for a period of at least three (3) years;

(e) A foster child;

(f) A child whose adoption has been previously rescinded;

(g) A child whose biological or adoptive parents have died: Provided, That no proceedings shall be initiated within six (6) months from the time of death of said parents; or

(h) A relative of the adopter.”


Alinsunod sa nasabing batas, kabilang sa mga maaaring ampunin ay ang mga batang mayroong Certificate Declaring a Child Legally Available for Adoption (CDCLAA); ang lehitimong anak ng isang asawa na maaaring ampunin ng kabilang asawa; at ang isang anak sa labas na aampunin upang mapabuti ang kanyang legal na katayuan.


Pinahihintulutan din ang pag-aampon ng isang Pilipinong nasa wastong gulang kung siya ay matagal nang itinuring at inalagaan bilang sariling anak ng mga mag-aampon nang hindi bababa sa tatlong taon. Kabilang din dito ang mga foster children at ang mga batang ang naunang pag-aampon ay napawalang-bisa.


Saklaw rin ng probisyong ito ang mga batang naulila sa kanilang mga magulang, bagama’t may itinakdang palugit na anim na buwan bago simulan ang proseso ng pag-aampon bilang paggalang sa panahon ng pagdadalamhati at sa mga kinakailangang legal na pagsasaayos. Maaari ring ampunin ang kamag-anak ng mag-aampon upang mapanatili ang ugnayang pampamilya.


Kaugnay naman ng iyong ikalawang katanungan, nilinaw sa Seksyon 42 ng parehong batas ang epekto ng legal na pag-aampon:


“Section 42. Parental Authority. – Upon issuances of the Order of Adoption, adoption shall cease as alternative care and becomes parental care. Adoptive parents shall now have full parental authority over the child. Except in cases where the biological parent is the spouse of the adopter, all legal ties between the biological parents and the adoptee shall be severed and the same shall then be vested on the adopters.” 


Batay sa nabanggit, maliban sa mga pagkakataon kung saan ang tunay na magulang ay asawa ng nag-aampon, ang lahat ng ugnayang legal sa pagitan ng tunay na magulang at ng inampon ay tuluyang mapuputol at maililipat sa mga nag-aampon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page