Pagpupugay sa mga health workers, isinabatas
- BULGAR

- Jun 16
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 16, 2026

Dear Chief Acosta,
Saludo po ako sa mga health workers natin sa bansa dahil na rin sa kanilang dedikasyon sa kanilang propesyon. Lalo na at dumaan ang ating bansa sa isang napakahirap na sitwasyon noong nagkaroon ng pandemya. Kung kaya, nais ko lang sanang malaman kung may batas ba na kumikilala o nagbibigay-pugay sa ating mga health workers? Salamat po sa iyong atensyon. — Hazel Reyes
Dear Hazel Reyes,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 2 ng Republic Act (R.A.) No. 10069, o mas kilala sa tawag na “Health Workers’ Day Act,” kung saan nakasaad na:
“Section 2. May 7 of every year is hereby declared as a special working holiday to be known as "Health Workers' Day" to give due recognition to the important role and contributions of the health workers who provide vital health services to our people and to promote their rights and welfare and enhance their sense of worth and dignity.”
Ayon sa nasabing probisyon ng batas, itinalaga ang ika-7 ng Mayo ng bawat taon bilang isang special working holiday para sa mga manggagawa na kikilalanin bilang “Health Workers’ Day” upang magbigay-pugay sa mahalagang papel at kontribusyon ng mga health workers na nagbibigay ng mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa ating mga mamamayan, at upang itaguyod ang kanilang mga karapatan at kapakanan, at mapahusay ang kanilang pagpapahalaga at dignidad.
Ayon sa Seksyon 3 ng nasabing batas, ang terminong "health workers" ay nangangahulugang lahat ng taong nakikibahagi sa mga gawaing pangkalusugan at may kaugnayan sa kalusugan, anuman ang kanilang katayuan sa trabaho, kabilang ang mga tauhan ng medikal, allied health professionals, administratibo at support services. Kasama rin ang mga nagtatrabaho sa ospital, sanitarya, health infirmary, health center, rural health unit, istasyon ng kalusugan ng barangay, klinika, at iba pang mga establisimyento na may kaugnayan sa kalusugan, sa pampubliko man o pribadong sektor.
Dahil dito, ang mga pinuno ng mga government health facilities at opisina, kasama ang mga ospital na government-owned and controlled at local government units, at mga employer sa pribadong sektor, ay dapat hikayatin at bigyan ng sapat na oras at pagkakataon ang kanilang mga empleyado na makisali at lumahok sa anumang aktibidad upang gunitain ang "Health Workers Day” at matiyak ang makabuluhang pagdiriwang ng araw na ito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments