Pagpo-promote ng online gambling stop, mga influencer dapat lang parusahan
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | March 13, 2026

Gamitin sana sa wasto ang malaking impluwensya sa internet para sa kapakanan ng taumbayan.
Sa panahon ngayon na halos lahat ng impormasyon at entertainment ay nagmumula sa social media, napakalaki ng kapangyarihan ng mga influencers sa paghubog ng opinyon at kilos ng publiko.
Dahil sa lawak ng kanilang naaabot na audience, inaasahan ng marami na gagamitin nila ang kanilang impluwensya sa paraang makabubuti sa lipunan.
Kaya naman kapansin-pansin at mahalagang pag-usapan ang kamakailang hakbang ng pamahalaan laban sa ilang influencers na umano’y nagpo-promote ng ilegal na online gambling.
Ipinatake-down ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang social media pages ng apat na kilalang online personalities na patuloy umanong nag-eendorso ng ilegal na online gambling sites.
Ang apat na account na ito ay may pinagsamang mahigit 15 milyong followers, dahilan upang mas maging seryoso ang epekto ng kanilang mga content sa publiko.
Ayon sa ulat, paulit-ulit na umanong nilabag ng mga nasabing influencers ang babala ng pamahalaan hinggil sa pagpo-promote ng ilegal na sugal online.
Dahil dito, nagpasya ang mga otoridad na ipatanggal ang kanilang mga social media pages sa platform ng Meta Platforms. Gayunman, hindi rito nagtatapos ang hakbang ng mga otoridad.
Patuloy na mino-monitor ng mga grupo at ahensya ang iba pang posibleng account, kabilang na ang mga backup pages na maaaring gamitin upang ipagpatuloy ang parehong gawain.
Sa panig ng civil society, iginiit ng national campaigner ng Digital Pinoys, na mahalagang maging responsable ang mga influencers sa kanilang mga ineendorso online.
Ayon pa sa kanya, hindi lamang umanong simpleng entertainment ang nakikita ng publiko sa social media, maaari rin ito umanong maging daan ng panlilinlang, pinansyal na pagkalugi, at lalo na ang pagkalantad ng kabataan sa ilegal na gawain tulad ng online betting.
Malinaw na ang impluwensya sa social media ay may kaakibat na responsibilidad. Hindi lamang ito tungkol sa views, likes, o kita mula sa endorsements.
Ang bawat post at rekomendasyon ay may kakayahang makaapekto sa desisyon ng libu-libong tao, lalo na sa mga kabataang madaling maimpluwensyahan.
Ang hakbang ng pamahalaan at ng mga digital watchdog groups ay isang paalala na ang kapangyarihan sa internet ay hindi dapat inaabuso.
Ang tunay na halaga ng pagiging influencer ay hindi nasusukat sa dami ng followers kundi sa positibong epekto nito sa lipunan.
Mahalagang manatiling mapanuri sa mga content na nakikita online. Hindi lahat ng inirerekomenda ng kilalang personalidad ay ligtas o makabubuti. Samantala, para sa mga influencers, ang kanilang platform ay isang malaking pribilehiyo na dapat gamitin sa tamang paraan.
Kapag ginamit ang impluwensya upang maghatid ng tamang impormasyon at positibong halimbawa, mas nagiging makabuluhan ang presensya nila sa umuusbong na media platforms at tunay na nagiging kapaki-pakinabang sa sambayanan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments