top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagpapatala ng Affidavit to Use the Surname of the Father

BULGAR
Jul 27, 2021
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2021


Dear Chief Acosta,


Taong 1999 nang ipinanganak ang asawa ko. Ang pinanghahawakan lamang niya ay lumang kopya ng kanyang birth certificate. Kumuha siya ng sertipikadong kopya nito, ngunit ang ibinigay sa kanya ay ibang kopya ng tala at base sa petsa ay mas nauna itong pagkakatala ng kanyang kapanganakan. Sa kopya ay hindi nakasaad na apelyido niya ang apelyido ng kanyang ama. Bagkus, apelyido ng kanyang ina ang nakalagay.


Hindi kasi kasal ang kanyang mga magulang. Maaari bang ipatala niya sa Civil Registrar ang Affidavit to Use the Surname of the Father na pirmado ng kanyang ama na nasa kopya na hawak niya? Nabanggit kasi sa amin ng isa naming kaibigan na mayroon diumanong ganitong paraan. Lahat kasi ng mga ID niya ay naka-apelyido sa kanyang ama. Sana ay mapayuhan ninyo kami. – Gina



Dear Gina,


Ang late registration of birth ay kinikilala bilang paraan ng pagpapatala ng kapanganakan ng tao na higit o lagpas na sa unang 30-araw mula sa kanyang kapanganakan. Ang presumption sa late registration of birth ay sadyang wala pang naitalang kapanganakan para sa partikular na taong nais magpa-late register. Kung mayroon nang naitala ay hindi na kikilalanin ang sumunod na pagpapatala ng kanyang kapanganakan.


Sa sitwasyon na nabanggit mo, mayroong dalawang pagpapatala kaugnay sa kapanganakan ng asawa mo at ang hawak niyang kopya ay ang ikalawang pagpapatala. Dahil hindi kinikilala ang ikalawang pagpapatala, sadyang hindi siya mabibigyan ng sertipikadong kopya nito mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Bagkus, ang unang naipatala ang kopya na maibibigay sa kanya.


Bagama’t mayroon tayong batas, ang Republic Act (R.A.) No. 9255 na naging epektibo mula noong Marso 19, 2004, na binibigyan ng kakayahan ang mga illegitimate children na gamitin ang apelyido ng kanilang ama sa kanilang birth certificate kung sila ay kinilala ng huli sa pamamagitan ng pribadong sulat-kamay na dokumento o pampublikong dokumento tulad ng Affidavit of Admission of Paternity at Affidavit to Use the Surname of the Father at ang alinman sa mga nasabing dokumento ay isusumite lamang sa tanggapan ng Civil Registrar, ito ay para lamang sa mga kapanganakan na naganap nang epektibo na ang naturang batas. Kaugnay nito, ang sumusunod na probisyon na nakasaad sa Rule 1 ng Revised Implementing Rules and Regulations ng R. A. No. 9255:


“This Revised Implementing Rules and Regulations shall apply to all illegitimate children born during the effectivity of R.A. No. 9255.”


Sapagkat ang iyong asawa ay ipinanganak noong 1999 ay hindi siya saklaw ng mga probisyon ng R. A. No. 9255. Kung kaya’t hindi niya maaaring isumite na lamang sa civil registrar ang Affidavit to Use the Surname of the Father na pirmado ng kanyang ama upang magamit niya ang apelyido nito.


Gayunman, ang maaaring gawin ng iyong asawa ay magpetisyon sa hukuman upang hilingin na magamit niya ang apelyido ng kanyang ama. Kung maging sapat sa hukuman ang mga dokumento at ebidensiya na ipepresenta niya ay maaaring iutos ng hukuman sa civil registrar na i-annotate sa kanyang tala ng kapanganakan ang apelyido ng kanyang ama bilang kanyang apelyido.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


1 Comment


eduardbabaran
Jul 31, 2021

Ako po may katanungn po ano po ba ang dapat Kong gawin saking PSA WALA PO kasi akong middle initial nais ko po sana magamit ang apelido ng aking ama 1990 po kc ako pinanganak at 1993 po cla na ikasal NGYN po maging sa aking mga i.d ay wala po akong middle name na ginagamit gzt ko po sana mapa ayus ano po ba ang dapat Kong gawin Salamat sa pag tugon sa aking katanungn. 😊


Good bless you po

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page