Pagpapalit ng security guard sa kahilingan ng kliyente
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 23, 2026

Dear Chief Acosta,
Security guard ako na nakatalaga sa isang kumpanya sa Quezon City sa loob ng dalawang taon. Isang araw, bigla na lamang akong sinabihan ng agency ko na tatanggalin na ako sa aking puwesto. Ito diumano ang kahilingan ng kumpanya kung saan ako nakatalaga. Maaari ba kong magreklamo ng ilegal na pagtanggal? — Charlito
Dear Charlito,
Sa kasong Mark E. Samillano vs. Valdez Security and Investigation Agency, Inc. / Emma V. Licuanan, G.R. No. 239396, 23 Hunyo 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Andres B. Reyes, Jr., pinasiyahan ng ating Korte Suprema ang mga sumusunod:
“Most contracts for services provide that the client may request the replacement of security guards assigned to it. In such setting, the security agency has the right to transfer or assign its employees from one area of operation to another subject to the condition that there is no demotion in rank or diminution of salary, benefits, and other privileges, and the transfer is not motivated by discrimination or bad faith, or effected as a form of punishment or demotion without sufficient cause. Known as placement "on floating or reserved status," this industry practice does not constitute dismissal, as the assignments primarily depend on the contracts entered into by the agency with third parties, and is a valid exercise of management prerogative provided it is carried out in good faith.”
Alinsunod dito, karamihan sa kontrata para sa serbisyo sa pagitan ng security agency at kliyente nito ay nagsasaad na ang kliyente ay maaaring humiling na mapalitan ang security guard na nakatalaga sa kanila, kahit na walang dahilan. Sa ganitong sitwasyon, may karapatan ang agency na ilipat o italaga ang empleyado nito sa ibang puwesto, sa kondisyon na walang pagbaba ng ranggo o pagbabawas ng suweldo, benepisyo, at iba pang mga pribilehiyo, at ang paglipat ay hindi udyok ng diskriminasyon, o ginawa bilang isang paraan ng pagpaparusa o pagbaba ng posisyon nang walang sapat na dahilan.
Kung kaya, kung ang iyong security agency ay walang masamang hangarin at kumilos lamang sang-ayon sa kahilingan ng kliyente nito, hindi iligal ang pagtanggal sa iyo sa puwesto.
Kaugnay nito, ayon sa parehong kaso na nabanggit sa itaas, maaaring mailagay ka sa ‘floating or reserved status,’ kung walang ibang bakanteng puwesto sa mga kasalukuyang kontrata ng agency. Ang gawing ito ay hindi maituturing na pagtatanggal sa empleyado dahil nakadepende ang pagdestino sa mga kontrata ng agency sa ikatlong partido. Gayunpaman, kapag ang naturang floating status ay tumagal ng lagpas sa anim na buwan, ang apektadong empleyado ay maaaring ituring na constructively dismissed o iligal na tinanggal sa trabaho. Sa ganitong kaso, maaaring maghain ng reklamo laban sa agency.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments