Pagpapalakas ng mga programa para sa abot-kayang edukasyon
- BULGAR

- May 7
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 7, 2026

Para sa akin, ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang puhunan ng bawat pamilyang Pilipino. Kapag may pagkakataong makapag-aral ang isang bata, mas lumalawak ang posibilidad na makatulong siya sa kanyang pamilya at makapagsimula ng mas maayos na kinabukasan.
Kaya patuloy nating sinusuportahan sa Senado ang mga panukalang makatutulong sa mga mag-aaral, mula basic education hanggang kolehiyo at technical-vocational education.
Noong May 4, inaprubahan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill No. 1894, o ang Enhancing Universal Access to Quality Tertiary Education Bill. Ako po ay may-akda at co-sponsor ng panukalang ito. Layunin nitong palakasin ang Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, para mas matulungan ang mahihirap at disadvantaged na mga estudyanteng Pilipino sa kolehiyo at technical-vocational education.
Noon pa man, alam natin kung gaano kahalaga ang edukasyon para sa kinabukasan ng kabataan. Ipinaglalaban natin na mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipinong makapag-aral, lalo na ang mahihirap nating kababayan.
Naaalala ko pa ang panahon noong 2017, nang ako ay naglilingkod bilang Special Assistant to the President (SAP) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa kabila ng pangamba noon na walang pondong mailalaan para sa libreng tertiary education, nanindigan tayo at tumulong sa Commission on Higher Education (CHED) para maipaglaban ang panukala.
Isang mahalagang legacy ng Duterte Administration ang RA 10931, kung saan libre ang tuition at iba pang school fees sa State Universities and Colleges (SUCs), Local Universities and Colleges (LUCs), at state-run Technical-Vocational Institutions (TVIs). Itinatag din nito ang Tertiary Education Subsidy (TES) at student loan program para makatulong sa iba pang gastusin ng mga estudyante.
Pero alam din natin na hindi natatapos sa tuition ang gastos sa pag-aaral. Maraming estudyante ang libre nga ang tuition, pero nahihirapan pa rin sa pamasahe, gamit sa eskwela, tirahan, pagkain, at iba pang gastusin. Kaya dapat mas tingnan natin ang tunay na kalagayan nila.
Sa SBN 1894, hangad natin na mabigyang-pansin ang mga mag-aaral mula sa disadvantaged backgrounds. Kabilang dito ang persons with disabilities, Indigenous Peoples, learners under foster care, children at risk, children in conflict with the law, solo parents at kanilang dependents, learners mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) households, first-generation tertiary learners, learners mula sa geographically isolated and disadvantaged areas, at iba pang vulnerable sectors.
Bilang senador, mahalaga sa akin na mapupunta ang tulong sa mga estudyanteng nangangailangan. Hindi dapat mahirapan ang mahihirap na pamilya na lumapit sa gobyerno para sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Pinapalawak din ng SBN 1894 ang sakop ng other school fees, kabilang ang clinical internship at Related Learning Experience (RLE) fees na kailangan sa nursing at iba pang allied health programs. Mahalaga ito dahil may mga kurso na hindi lang classroom learning ang kailangan. May practical training din na kailangang bayaran ng estudyante.
Kasabay nito, inaprubahan din ng Senado sa ikatlong pagbasa ang Senate Bill No. 1981, o ang Basic Education Voucher Program Bill. Ako po ay co-author ng panukalang ito. Layunin nitong gawing institutionalized ang private basic education voucher program para sa qualified learners mula Kindergarten hanggang Grade 12.
Kung maisasabatas, hangad natin na makatulong sa mga batang nasa congested public schools, low-income families, at disadvantaged sectors. Kabilang dito ang mga learners sa geographically isolated and disadvantaged areas, Indigenous Peoples, at mga benepisyaryo ng 4Ps, bukod sa iba pa.
Para sa akin, dapat tuluy-tuloy ang suporta natin sa edukasyon. Maraming pamilyang Pilipino ang hirap sa gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak, kaya kung may paraan para matulungan sila, dapat gawin natin. Sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas, ipaglalaban natin na maisabatas ang panukalang ito.
Samantala, noong April 29, nakilala namin ang dalawang benepisyaryo ng scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED), na patuloy kong sinusuportahan: sina Maria Geraldine Gimao at Luisa Intia, na parehong nagtapos ng Bachelor of Science in Psychology. Si Maria Geraldine, isang ina ng tatlo habang ang kanyang asawa ay isang OFW, ay nagtapos bilang Cum Laude, habang si Luisa naman ay tumanggap ng Academic Achiever award. Nawa'y magsilbi silang inspirasyon sa mga kabataan na patuloy na abutin ang kanilang mga pangarap.
Noong April 28, personal din tayong dumalo sa 13th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Para Games Official Awarding of Incentives na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila, kung saan tayo ay nagsilbing keynote speaker at pinangunahan ang pagkilala sa ating mga para-athletes dahil sa kanilang mahusay na ipinakitang performance sa regional meet sa Thailand.
Samantala, kahit LingGO ay patuloy lang tayo sa pagseserbisyo. Nitong May 3, personal tayong naghatid ng tulong sa mga nasunugan sa Barangay 264 sa Tondo, Manila.
Samantala, ang ating Malasakit Team ay naghatid ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan, partikular sa mga nasunugan sa Iloilo City, Bacoor City, Cavite; Cebu City at Mandaue City, Cebu; Don Carlos, Bukidnon; Mati City, Davao Oriental; at Cagayan de Oro City.
Bukod dito, natulungan din ang mga public utility jeepney, tricycle, at mini-bus drivers sa Carcar City, Cebu; at senior citizens at mga PWD sa Ferriol, Romblon. Nabigyan din ng tulong ang mga iskolar mula Presentacion, Camarines Sur; at Montevista, Davao de Oro.
Gaya ng lagi kong sinasabi, nananatiling matatag ang ating paninindigan: ang paglingkuran ang sambayanang Pilipino, lalong-lalo na sa panahon ng krisis at pagdating sa serbisyong pangkalusugan, dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




Comments