top of page

Pagpapakita ng warrant of arrest sa hinuling akusado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 24, 2025
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang tiyuhin ko ay hinuli ng mga pulis. Sinabi diumano sa kanya na may warrant of arrest siya, ngunit hindi ito ipinakita sa kanya ng mga oras na iyon. Sinabi sa kanya na pagdating na lamang sa istasyon ng pulis ito ipakikita. Legal ba na hindi ipakita ang warrant of arrest bago hulihin ang isang tao? — Pen



Dear Pen,


Ang paghuli sa isang akusado ay parte ng legal na proseso kung saan siya ay dinadakip at inilalagay sa kustodiya ng batas upang mapanagot sa isang krimen. Maliban sa mga pangyayaring binabanggit sa Seksyon 5, Rule 113 ng Revised Rules on Criminal Procedure, ang isang tao ay karaniwang maaari lamang hulihin sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ng isang hukom, matapos ang kanyang masusi at personal na pagsisiyasat, upang tiyaking may probable cause na ang huhulihin ay nakagawa ng krimen. 


Sa Seksyon 7, Rule 113 ng nasabing Revised Rules ay nakasaad din kung papaano ang tamang pamamaraan ng pag-aresto sa bisa ng isang warrant of arrest:


Section 7. Method of arrest by officer by virtue of warrant. — When making an arrest by virtue of a warrant, the officer shall inform the person to be arrested of the cause of the arrest and of the fact that a warrant has been issued for his arrest, except when he flees or forcibly resists before the officer has opportunity to so inform him, or when the giving of such information will imperil the arrest. The officer need not have the warrant in his possession at the time of the arrest but after the arrest, if the person arrested so requires, the warrant shall be shown to him as soon as practicable.”


Sang-ayon sa nabanggit, dapat ipaalam sa isang akusado ang dahilan ng pag-aresto sa kanya at ipagbigay-alam din sa kanya na may warrant of arrest na inilabas laban sa kanya hinggil dito. Malinaw din na binanggit na hindi kinakailangan na hawak ng umaaresto ang mismong warrant of arrest sa oras ng paghuli, at hindi rin minamandato na ito ay maipakita muna sa akusado bago isagawa ang paghuli. Bagkus, pagkatapos na maisakatuparan ang paghuli, kinakailangan lamang na ang nasabing warrant ay maipakita sa lalong madaling panahon sa taong inaresto.


Kaya naman, hindi kailangan na ipinakita sa iyong tiyuhin ang warrant of arrest laban sa kanya sa mismong oras ng kanyang pag-aresto. Sapat na kung ito ay naipakita sa kanya sa lalong madaling panahon matapos siyang maaresto.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page