top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pagpapakasal ng ama, ‘di nagtatanggal ng kanyang parental authority sa mga anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 11, 2023
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 11, 2023



Dear Chief Acosta,


Mayroon akong dalawang pinsan na magkapatid. Ang isa ay 10 taong gulang at ang panganay ay 13. Namayapa na ang kanilang ina dahil sa isang aksidente. Mayroon nang karelasyon ang kanilang ama at sa pakiwari ng aming pamilya ay magpapakasal na rin sila.


Kung sakali bang matuloy ang pag-iisang dibdib ng ama nila sa ibang babae, mayroon pa rin ba siyang awtoridad sa mga pinsan ko? Maaari ba na mapunta sa lolo at lola namin ang pangangalaga sa kanila? –Charity


Dear Charity,


Ang awtoridad ng mga magulang sa kanilang mga anak na wala pa sa hustong gulang o wala pang legal na kapasidad para pangalagaan ang kanilang mga sarili ay pinapagtibay sa ilalim ng ating Batas Sibil. Ang nasabing awtoridad ng mga magulang ay patuloy na kikilalanin kahit magpakasal nang muli ang isa sa kanila, maliban na lamang kung ipagkaloob ng hukuman ang naturang awtoridad sa ibang tao na tatayong tagapag-alaga ng mga nasabing anak. Malinaw na nakasaad sa Artikulo 209 at 212 ng Executive Order No. 202, as amended, o higit na kilala bilang Family Code of the Philippines na:


“Art. 209. Pursuant to the natural right and duty of parents over the person and property of their unemancipated children, parental authority and responsibility shall include the caring for and rearing them for civic consciousness and efficiency and the development of their moral, mental and physical character and well-being.


“Art. 212. In case of absence or death of either parent, the parent present shall continue exercising parental authority. The remarriage of the surviving parent shall not affect the parental authority over the children, unless the court appoints another person to be the guardian of the person or property of the children.”


Sa sitwasyon na nabanggit mo, dahil pumanaw na ang asawa ng iyong tiyuhin, at tila wala namang ibang legal na balakid, maaari siyang magpakasal muli at kung sakali man na mangyari ang nasabing pagpapakasal, sa kanya pa rin mananatili ang parental authority sa iyong mga pinsan, alinsunod sa nabanggit na probisyon ng ating Batas Sibil.


Kaugnay nito, bilang ama ng iyong mga pinsan, siya pa rin ang patuloy na mangangalaga sa kanila kahit magpakasal siya ng panibago, maliban na lamang kung ipag-uutos ng hukuman na mapunta ang kanilang pangangalaga sa ibang tao. Kaugnay nito, maaaring patunayan sa hukuman na hindi karapat-dapat manatili sa ama ng iyong mga pinsan ang pangangalaga sa kanila upang maipagkaloob ang substitute parental authority sa iyong lolo at lola. Alinsunod sa Artikulo 214 ng ating Family Code:


“Art. 214. In case of death, absence or unsuitability of the parents, substitute parental authority shall be exercised by the surviving grandparent. In case several survive, the one designated by the court, taking into account the same consideration mentioned in the preceding article, shall exercise the authority.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page