Korupsiyon, pinakamalalang polusyon

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 10, 2026

Biglang sumikat, lumaganap at naging mabenta maski na hindi mura ang mga produktong gumagamit ng “Green Energy” o Luntiang Enerhiya. Ito ang mga produktong hindi gumagamit ng enerhiyang galing sa mga sinusunog na sangkap ng kalikasan tulad ng kahoy, coal o karbon, krudo (gasolina at langis) at iba pa. Basta’t may usok na lumalason sa tubig, lupa at hangin, itinuturing ang ganitong uri ng enerhiya na marumi, lason at masama para sa kalikasan.
Kaya’t dumating na ang makabagong panahon ng mga solar panels: solar battery o solar energy storage battery; electric cars na tumatakbo sa enerhiya mula sa baterya na halos singlaki ng buong ilalim ng kotse; at lahat ng gumagamit na ng mga electronic batteries mula sa cellphone hanggang sa mga nagkalat na handheld rechargeable fans. Laganap na rin, siyempre, ang kilalang-kilala na windmills ng mga wind farm tulad ng sa Pagudpud, Ilocos Norte at Pililla, Rizal. Ayon sa mga “car specialists,” mas uso raw sa Pilipinas ang mga “hybrid cars” na gumagamit ng krudo o “electric battery.”
Nang makita natin ang mga windmills sa wind farm sa Pililla, Rizal, ganoon na lang ang ating tuwa. Sa wakas, sabi natin sa sarili, malulutas na ang problema ng air, water and soil pollution na mula sa paggamit ng karbon, krudo, gasolina at iba pang maruming enerhiya sa pagpapatakbo ng mga makina. Ito na marahil ang solusyon sa dalawang problema ng enerhiya at polusyon. Ngunit unti-unting nagbago ang ating pananaw nang marinig natin ang dumadaming reklamo laban sa mga wind farm. Kapag may wind farm, asahan mo ang mga susunod na negatibong epekto sa kalikasan at kapaligiran. Una, ang pagsira at pagpatay sa kalikasan. Hindi basta-basta makapaglalagay ng wind farm sa ibabaw ng bundok. Kakailanganin ang paghahanda ng paglalagyan ng mga windmill. Kailangang walang puno at anumang sagabal na magdudulot ng panganib sa paggamit ng windmill. Kaya’t pansinin ninyo ang mga kinalbong tuktok ng bundok. Pangalawa, hindi man sinasadya, aalis ang mga iba’t ibang hayop gaya ng ibon at insekto sa ilalim at paligid ng bawat windmill.
Ang ingay at vibration na nagmumula sa mga “rotor” o sa mga layag ng windmill ay iniiwasan ng lahat ng ibon, hayop at insekto. Dahil dito, nasisira ang naturang “ecosystem” ng isang lugar.
Dahil dito, hindi kagulat-gulat na madaling maaprubahan ang produksyon ng “clean energy” mula sa mga solar panel. Ito ang naging pangarap ng Solar Para Sa Bayan Corporation (SPBC) na pinamumunuan ni Batangas Rep. Leandro Leviste. Malaki ang proyekto ng SPBC na naglalayong magsuplay ng kuryente sa libu-libong mga tahanan. Nakamit ng SPBC ang kanyang Legislative Franchise noong 2019. Batang-bata pa noon si Rep. Leandro, anak ni Senadora Loren Legarda. At sa halip na tuparin ng kumpanya ni Leviste ang paghatid ng kuryente sa mga pamilyang nangangailangan, nagbenta ito ng kuryente sa pamamagitan ng iba’t ibang kumpanya sa ilalim ng “Solar Philippines Power Project Holdings Inc.” o SPPHI.
Nasaan ang kuryenteng ipinangako ng SPBC? Mula noong 2019 hanggang ngayon, walang naihatid na kuryente ang SPPHI sa pamamagitan ng 30 service contracts kasama ang gobyerno. Dahil dito, pinatawan ng P24-bilyong penalty ang korporasyong hawak ni Leviste. Lumabas na rin ang warrant of arrest laban kay Leviste, ngunit hindi natagpuan at nahuli ang anak ni Senadora Loren Legarda na lumipad patungong France kasama ang kanyang anak noong ika-2 ng Agosto.
Mahalaga ang enerhiya; maganda ang naturang “Green Energy, Clean Energy.” Ngunit lumalabas na hindi lahat ng green ay clean. Paano kung pagkakaperahan ang green energy? Paano kung hindi naman energy kundi green lang o pera lang ang interes ng nagsusulong nito? Ito ang mabigat na tanong na kailangang sagutin ni Leandro at ng kanyang inang si Loren. Talaga bang “Green,” talaga bang “Clean” sila? Meron pa lang iba’t ibang uri ng polusyon at meron ding pinakamasamang polusyon… ang korupsyon!!!





Comments