VP Sara ‘pag pumasa sa lie detector test, Gracioso, lagot!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 10, 2026

LALABANAN NINA SEN. BONG GO AT SEN. PADILLA ANG PAGBALUKTOT SA BATAS SA VOTING THRESHOLD SA IMPEACHMENT VOTING THRESHOLD KAY VP SARA — Nagsampa ng petisyon sina Sen. Bong Go at Sen. Robin Padilla sa Supreme Court (SC) na humihiling na magpalabas ito ng desisyon na 16 ang voting threshold sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Patunay ang naging aksyon na iyan nina Sen. Bong Go at Sen. Padilla na hindi sila makakapayag na baluktutin ang batas, na ipaglalaban nila ang Konstitusyon, na kung ano ang nakasaad sa Saligang Batas patungkol sa isyu ng impeachment, ‘yun ang dapat manaig sa kinakaharap na impeachment ni VP Sara, period!
XXX
GRACIOSO PATUNG-PATONG NA KASO ANG KAKAHARAPIN KAPAG 100% PUMASA SI VP SARA SA LIE DETECTOR TEST — Nakahanda raw si VP Sara na sumailalim sa lie detector test para patunayan na kasinungalingan ang ibinulgar ni former Pat. Rodulfo Gracioso na tumanggap siya (VP Sara) ng maletang may pera mula kay former Speaker Lord Allan Velasco.
Hala, lagot si Gracioso kapag lumabas sa resulta ng lie detector test na 100% hindi nagsisinungaling si VP Sara kasi tiyak reresbakan siya ng bise presidente ng patung-patong na kaso, abangan!
XXX
KAPAG NAKASAMA SI SEN. ALAN CAYETANO SA SINAMPAHAN NG KASO NG NBI SA 2019 SEA GAMES ANOMALY, SIYA ANG IKATLONG SENADOR NA MAKUKULONG SA CITY JAIL — Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na nasa proseso na sila para sampahan ng kaso ang mga sangkot sa naganap na anomalya sa 2019 South East Asian (SEA) Games.
Naku, kapag naisama si Sen. Alan Cayetano sa mga kinasuhan sa isyung ito, ay malamang, siya ang ikatlong incumbent senator na makukulong sa city jail, boom!
XXX
DAPAT I-VETO NI PBBM ANG PANUKALANG BATAS NA NAGBABAWAL SA MGA 18-ANYOS PABABA SA PAGGAMIT NG SOCIAL MEDIA KASI KAPAG INAPRUB NIYA ITO, TIYAK MAGAGALIT SA KANYA AT HINDI LANG MGA KABATAAN, KUNDI PATI PARENTS NG MGA BATANG KUMIKITA SA SOCIAL MEDIA — Pasado na sa Senado ang panukalang batas na nagbabawal sa paggamit ng social media ng mga kabataan na may edad 18-anyos pababa.
Dapat i-veto ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) ang panukalang-batas na ito kasi kung iaaprub niya ito ay tiyak hindi lang mga teenagers ang magagalit sa kanya, kundi pati mga magulang ng mga kabataang kumikita sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga talents sa social media, period!





Comments