top of page
BULGARY - KIM BUNTIS, KINUMPIRMA SA IG NG DIREKTOR_IG _kimchiu.jpeg

Pagnanakaw ng kuryente, hindi diskarte kundi krimen

Writer: BULGAR
BULGAR
20 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 13, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa kagustuhang makatipid sa bayarin sa kuryente, hindi dapat isugal ng sinuman ang buhay at kaligtasan ng buong pamilya. Ang ilegal na pagkakabit ng jumper at iba pang paraan ng pagnanakaw ng kuryente ay hindi lamang pandaraya sa bayarin, kundi isang mapanganib na gawain na maaaring magdulot ng sunog, pagkakakuryente at pinsala sa mga taong walang kinalaman dito.


Nagbabala ang Department of Energy (DOE) laban sa paggamit ng mga ilegal na koneksiyon sa linya ng kuryente. Binigyang-diin ng ahensya na malinaw na paglabag sa batas ang ganitong gawain at may kaakibat itong pananagutang kriminal para sa sinumang mapatutunayang sangkot.


Ipinagbabawal ito sa ilalim ng Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994, na naglalayong labanan ang pagnanakaw ng kuryente at mga materyales na ginagamit sa mga linya ng transmisyon.


Hindi dapat balewalain ang babalang ito dahil hindi lamang ang mga gumagawa ng ilegal na koneksiyon ang nalalagay sa panganib. Kapag nagkaroon ng sirang kawad, sobrang karga o maling pagkakabit ng mga linya, maaari itong pagmulan ng sunog na mabilis kumalat sa mga kabahayan. Maaari ring makuryente ang mga bata, kapitbahay at maging ang mga tauhang nagsasagawa ng pagkukumpuni sa mga linya ng kuryente.


Mas nakababahala na maaaring madamay ang mga pamilyang walang kaalaman o kinalaman sa ginagawang pagnanakaw. Isang maling koneksiyon lamang ay sapat na upang masira ang mga tahanan, mawalan ng kabuhayan ang mga residente at malagay sa alanganin ang buhay ng maraming tao.


Hindi rin makatarungan sa mga konsumer na matapat na nagbabayad ng kanilang buwanang singil ang mga gumagamit ng ilegal na koneksiyon. Habang ang iba ay nagsisikap magtipid at maglaan ng bahagi ng kanilang kita para sa bayarin, may mga taong pinipiling mandaya at balewalain ang panganib na idinudulot nito sa komunidad.


Gayunman, hindi sapat ang babala lamang. Dapat tiyakin ng mga kinauukulang ahensya na mahigpit at tuluy-tuloy ang pagsubaybay sa mga ilegal na koneksiyon. Kailangan ding palakasin ang kaalaman ng publiko tungkol sa panganib nito at hikayatin ang mga residente na ireport ang kahina-hinalang pagkakabit ng mga kawad sa kanilang lugar.


Hindi dapat gawing dahilan ang pagtitipid upang labagin ang batas at ilagay sa panganib ang buhay ng iba. Kung may suliranin sa pagbabayad ng kuryente, mas makabubuting makipag-ugnayan sa kinauukulang electric cooperative o distribution utility upang malaman ang mga legal na paraan ng pag-aayos ng bayarin.


Tandaan, isang beses man o minsan lamang gamitin ang ilegal na koneksiyon, hindi nababawasan ang panganib na dulot nito. Ang kuryente ay mahalagang bahagi ng bawat tahanan, ngunit kapag ginamit sa maling paraan, maaari itong maging sanhi ng trahedya. Huwag hintaying may masunugan o may mawalan ng buhay bago seryosohin ang babala. Ang pagtitipid ay hindi dapat kapalit ng kaligtasan ng buong pamayanan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page