Aktres, kaya nagbantang magdedemanda… KIM BUNTIS, KINUMPIRMA SA IG NG DIREKTOR

ni Beth Gelena @Bulgary | November 13, 2026

Photo: IG _kimchiu
Nilinaw ni Direk Tony Mark na wala siyang kinalaman sa kumakalat na isyu na nagdadawit sa pangalan ng aktres-host na si Kim Chiu matapos umanong gamitin ang kanyang pagkakakilanlan sa social media sa pagpapakalat ng fake news.
Ang naturang post na kumalat ay may caption na, “Kim Chiu nasa Edmonton, Canada (maple leaf emoji). Congrats, buntis!!!” na ibinahagi umano sa Instagram (IG) account ni Direk Tony Mark noong Nobyembre 10.
Sa isang pinned post sa kanyang Facebook (FB) account, mariing itinanggi ng direktor na siya ang nasa likod ng pinag-uusapang pahayag at hinamon ang taong gumagamit ng kanyang pangalan na magpakilala.
“Wow! Pakalat pa ng issue kung sino ka man. Malalaman ko rin kung sino ka. Una, wala akong alam kay Kim Chiu. Kung sino ang gumagamit ng name ko, paghusayan mo. At kung magpapasikat ka, humarap ka... At pasisikatin kita!” pahayag ng direktor.
May netizen namang nagtanong kung may ibang taong nakialam sa kanyang account o kung biktima umano siya ng ‘hacking’ dahil nakita nitong naka-post mismo roon ang kontrobersiyal na impormasyon. Sumang-ayon naman ang direktor.
Samantala, kasabay ng paglilinaw ang babala ni Kim Chiu laban sa mga nagpapakalat ng malisyosong tsismis tungkol sa kanyang pribadong buhay.
Ayon sa aktres, kumikilos na ang kanyang legal team upang imbestigahan ang mga indibidwal at platapormang posibleng lumalabag sa kanyang karapatan.
Pinaalalahanan din ng aktres-host ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at huwag gamitin ang pagpapakalat ng maling impormasyon para lamang kumita o makakuha ng atensiyon online.
Gustong makasama sa kasal niya…
YASSI, NAKIPAG-AYOS NA SA INA
EMOSYONAL na ibinahagi ng aktres na si Yassi Pressman ang pagbabalik ng magandang relasyon nila ng inang si Belcy Yasto matapos ang ilang taong hindi pagkakaunawaan.
Naging makahulugan ang kanilang pagkakasundo dahil kasabay ito ng paghahanda ng aktres sa pagpapakasal sa pulitikong si Luigi Villafuerte.
Sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz, binalikan ng aktres ang mga pinagdaanan nila ng kanyang ina at kung paano siya nagkaroon ng lakas ng loob na muling makipag-ugnayan dito.
Aminado si Yassi na dumating siya sa puntong pakiramdam niya ay mag-isa niyang pasan ang lahat, lalo na nang mawala ang kanyang amang si Ronnie Pressman noong 2020 sa edad na 90.
“Para sa ‘kin din po, especially kasi parang binubuhat ko po ‘yung buong mundo on my own. Parang kailangan ko pong maiwan na kasama ‘yung kapatid ko at wala nang daddy,” emosyonal niyang kuwento.
Sa kabila ng kanilang hindi pagkakaunawaan, napagtanto ni Yassi na ayaw na niyang dalhin pa ang mga hindi nila naaayos na problema sa pagbuo niya ng sariling pamilya.
Gusto niyang makasama ang kanyang ina sa mahalagang okasyon, kaya siya na mismo ang gumawa ng unang hakbang. Pinuntahan niya ito upang makapag-usap sila.
“Lahat, nawala,” bahagi ng kanyang kuwento tungkol sa naramdaman niya nang magkita silang muli.
Lalo pa siyang naantig nang mapagtanto niyang nasa bahay siya kung saan siya lumaki at muli silang nag-uusap nang maayos.
“Tapos parang casual kaming nag-uusap na tumitingin ako sa paligid. Naiyak ako kasi nandu’n po kami sa bahay kung saan ako lumaki na parang sabi ko, ‘Ang dali lang pala ayusin ng mga bagay-bagay minsan,’” ani Yassi.
Sa ngayon, unti-unti nang nabubuo ang mas malapit nilang samahan at muli na silang nagkakaroon ng masasayang sandali bilang pamilya.
Pambato ng ‘Pinas…
JARREN, AMINADONG ‘DI NAKAPAG-PREPARE SA PAGSABAK SA 31ST ASIAN TV AWARDS SA VIETNAM
HINDI man nagkaroon ng mahabang panahon para makapaghanda, game namang ipamalas ni Jarren Garcia ang kanyang talento sa international stage matapos mapiling maging featured artist at kumatawan sa Pilipinas sa 31st Asian Television Awards sa Vietnam.
Maagang lumipad patungong Vietnam ang Star Magic artist para sa nasabing event na gaganapin sa Nobyembre 13 at 14.
Aminado si Jarren na naging abala ang kanyang schedule dahil kasisimula pa lamang niya sa kanyang theater project na The Art of Breaking Up ng Teatro Kapamilya, na nagkaroon ng premiere night noong Nobyembre 6 sa Philippine Educational Theater Association (PETA).
“For the Asian TV Awards, I haven't had a lot of time to prepare because I've just started the theater. We had the opening night just the other night. And in Vietnam will be the start of my preparation,” pahayag niya.
Nangingibabaw ang excitement ng aktor-singer sa pagkakataong makakakilala siya ng mga artists mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia at matututo tungkol sa kani-kanilang kultura.
Mas personal naman ang inihanda niyang pagtatanghal dahil sariling mga kanta ang kanyang bibigyang-buhay sa international event.
“I’ll be singing my own songs,” ani Jarren.
Isa itong magandang paraan upang maipakilala ng aktor-singer ang sarili sa mundo ng musika.





Comments