Paglilinis sa hanay ng pulisya, hindi na puwedeng puro pangako lang
- BULGAR

- 4 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 1, 2026

Kung tutuusin, hindi na bago sa taumbayan ang pangako ng reporma sa kapulisan, pero sa dami ng nasirang tiwala, bawat salita ngayon ay sinusukat na sa gawa.
Sa gitna ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa zero tolerance laban sa korupsiyon at paglabag sa karapatang pantao, muling nangako ang Philippine National Police (PNP) na lilinisin ang sariling hanay, hakbang na matagal nang hinihintay ng publiko.
Mula Enero 1 hanggang Marso 25 ngayong taon, umabot sa 740 pulis ang nasampahan ng administrative sanctions.
Sa bilang na ito, 232 ang tuluyang tinanggal sa serbisyo, 36 ang ibinaba ang ranggo, at 333 ang sinuspinde.
Ang iba naman ay pinatawan ng mas magaang parusa gaya ng reprimand, salary forfeiture, restriction, at withholding of privileges.
Ipinapakita umano ng datos na ito na seryoso ang ahensya sa pagpapanagot sa mga lumalabag, anumang ranggo ang hawak.
Ayon sa PNP, ang mensahe ng Pangulo sa graduation ng Philippine National Police Academy (PNPA) ay malinaw na paalala na hindi sapat ang salita, dapat itong isinasabuhay.
Binigyang-diin din na walang puwang sa serbisyo ang mga abusado at lumalabag sa batas, at ang tunay na pagbabago ay makikita lamang kung may konkretong aksyon.
Dagdag pa rito, ang pagdidisiplina sa sariling hanay ay susi sa muling pagbangon ng kredibilidad ng PNP.
Hindi umano kinukunsinti ang mali at patuloy na papanagutin ang mga nagkakasala. Kasabay nito, hinikayat din ang mga bagong PNPA graduates na maging ehemplo ng integridad at propesyonalismo sa kanilang serbisyo.
Samantala, tiniyak din ng National Police Commission (NAPOLCOM) na paiigtingin pa ang kanilang imbestigasyon at disciplinary processes upang masigurong mabilis at patas ang pag-aksyon sa mga kaso laban sa mga pulis.
Kung tutuusin ang laban kontra-katiwalian sa PNP ay hindi lang internal na usapin, ito ay direktang konektado sa seguridad at tiwala ng mamamayan.
Kapag ang tagapagpatupad ng batas ang lumalabag, ang takot ng publiko ay lalong lumalala, at ang hustisya ay tila nagiging ilusyon.
Ang tunay na sukatan ng pagbabago ay hindi sa dami ng natanggal o naparusahan, kundi sa kung nararamdaman ba ng taumbayan ang ligtas, patas, at makataong serbisyo.
Kung magpapatuloy ang ganitong aksyon, may pag-asa pang maibalik ang tiwala. Ngunit kung ito’y mananatiling paulit-ulit na pangako, mananatili ring malamlam ang imahe ng kapulisan sa mata ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments