top of page

Paglilingkod sa bayan, patuloy na isinusulong sa buong bansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 18 hours ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 26, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Kamakailan lamang, isang karangalang hindi ko inaasahan ang ipinagkaloob sa akin ng Sangguniang Panlungsod ng Mati, Davao Oriental. Sa pamamagitan ng isang resolusyon, idineklara nila ako bilang adopted son ng Lungsod ng Mati.


Bilang isang Davaoeño na may ugat sa Davao Oriental, malapit sa akin ang Mati at ang buong lalawigan. Para sa akin, ito ay paalala ng mas malaking responsibilidad na kaakibat ng tiwalang ibinibigay ng mga kababayan natin.


Ako’y simpleng probinsyano lamang na gustong magserbisyo. Kaya ang ganitong pagkilala ay hindi ko tinitingnan bilang personal na tagumpay kundi bilang inspirasyon para lalo pang magsikap.


Kaugnay nito, patuloy din nating itinulak ang mga proyektong makakatulong sa pag-unlad ng Davao Oriental, kabilang ang pagpapalakas ng imprastruktura. Kamakailan, ikinatuwa ko ang pagkakaloob ng P700 milyon para sa pagpapaunlad ng Mati Airport sa ilalim ng 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr).


Sinuportahan at isinusulong natin ang tuluy-tuloy na implementasyon ng development at operationalization ng paliparan. Matagal na nating ipinaglalaban ang proyektong ito dahil alam nating mahalaga ito sa konektibidad ng rehiyon at sa pagpapalago ng turismo. Sa ngayon na may nakalaang pondo na, mahalaga na maisulong ang proyekto nang walang pagkaantala upang lubos na mapakinabangan ng Davao Oriental at mga karatig-lugar.


Bilang kinatawan ng Senado sa Board of Directors ng Mindanao Development Authority, nakikita ko ang malaking maitutulong ng Mati Airport sa pag-decongest ng Francisco Bangoy International Airport sa Davao City. Magiging alternatibong gateway ito sa rehiyon at makakatipid sa oras ng biyahe ng mga pasahero.


Ang maayos na imprastraktura ay nag-uugnay sa mga komunidad at nagbubukas ng oportunidad sa edukasyon, trabaho, at kabuhayan. Kapag may maayos na daan at paliparan, mas mabilis ang galaw ng ekonomiya at mas marami ang nakikinabang.


Samantala, noong February 20, personal naming binisita ang 177 na biktima ng sunog sa Lungsod ng Malabon. Una naming pinuntahan at binigyan ng tulong ang mga naapektuhan ng sunog sa Barangay Maysilo. Sinundan ito ng aming pagbisita sa Barangay Tañong, kung saan nagtungo kami sa mismong lugar ng insidente at personal na namahagi ng agarang tulong sa mga residenteng apektado sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap. Sa aking pagbisita, kasama ko sina Mayor Jeannie Sandoval, Vice Mayor Edward Nolasco, Councilor Payapa Ona, Councilor Maricar Torres, ilang mga opisyal ng Barangay Maysilo, si Barangay Tañong Captain Alma Buenaventura, at dating vice mayor na si Ninong dela Cruz.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, patuloy nating sinusuportahan ang mga inisyatibang nagpapalakas ng grassroots sports at nagbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating kabataang atleta. Kaya nagpadala tayo ng representative sa World Karate Youth League Press Conference sa Lanson Place, Pasay City. Mahalaga ang ganitong mga pandaigdigang palaro upang mahasa ang talento ng mga Pilipino at maitaas ang antas ng palakasan sa bansa.


Noong February 21, inimbitahan tayo sa Chibog Chow Ribbon Cutting and Opening Ceremony sa Robinsons Place sa Maynila. Ang nasabing event ay inorganisa ni dating senador Nikki Coseteng. Pinagsama-sama nito ang makulay na pagtatanghal ng pagkaing Pilipino at Tsino, kultura, at aliwan, bilang pagdiriwang ng komunidad, pagkamalikhain, at ng pinagsasaluhang saya sa pagkain sa pamamagitan ng masiglang mga pagtatanghal at masayang kapaligiran.


Nananatili akong matatag sa aking pangakong maglingkod nang may kababaang-loob, integridad, at dedikasyon. Walang anumang malisyosong akusasyon o tangkang siraan ang aking trabaho ang makapagpapabawas sa aking pagmamahal sa paglilingkod-bayan dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Noong nakaraang linggo, nagtungo rin ang ating team sa mga komunidad sa grassroots at tumulong sa iba’t ibang kababayan na nangangailangan ng ayuda. Nagbigay kami ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Manila; Pasig City; Puerto Princesa City sa Palawan; Davao City; Tanza, Cavite; at sa Bongao, Tawi-Tawi.


Bukod dito, natulungan din natin ang mga biktima ng Bagyong Basyang mula sa mga bayan ng Carrascal, Cantilan, Madrid, Hinatuan at Barobo, at sa lungsod ng Bislig sa Surigao del Sur. Nakatanggap din ng tulong ang mga naapektuhan ng landslide sa Mati City; at Monkayo, Davao de Oro.


Bilang lingkod-bayan, sinisiguro kong pangangalagaan ang inyong tiwala at patuloy akong maglilingkod nang may lubos na paggalang at kasipagan, lalo na sa paghahanap ng mas marami pang paraan upang mapabuti ang buhay ng aking kapwa Pilipino dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page