top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Paglalagay ng edad sa job hiring, bawal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 12, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang kapatid ko ay nag-post sa kanyang social media kahapon na naghahanap siya ng mga bagong empleyado para sa kanyang negosyong restaurant. Sa kanyang post ay tinukoy niya na ang mga aplikante ay dapat nasa edad 22 hanggang 35 lamang. Tama po ba ito? Nais ko po sanang maliwanagan. Maraming salamat po. — Clanelle C.



Dear Clanelle C,


Itinataguyod ng gobyerno ang pantay na oportunidad sa trabaho para sa lahat. Kaugnay nito, patakaran ng Estado na isulong ang karapatan ng lahat ng empleyado at manggagawa, anuman ang kanilang edad, na tratuhin nang pantay sa usapin ng sahod, benepisyo, promosyon, pagsasanay, at iba pang oportunidad sa trabaho. Kaugnay nito, ang Seksyon 2 ng Republic Act (R.A.) No. 10911, na kilala rin bilang “Anti-Age Discrimination in Employment Act,” ay nagsasaad ng mga sumusunod:


“Section 2. Declaration of Policies. - The State shall promote equal opportunities in employment for everyone. To this end, it shall be the policy of the State to:


(a) Promote employment of individuals on the basis of their abilities, knowledge, skills and qualifications rather than their age.

(b) Prohibit arbitrary age limitations in employment.

(c) Promote the right of all employees and workers, regardless of age, to be treated equally in terms of compensation, benefits, promotion, training and other employment opportunities.”  


Batay sa nabanggit na batas, ipinagbabawal ang basta-bastang paggamit ng edad bilang batayan sa pagkuha ng empleyado. Bukod dito, sa proseso ng pagtanggap ng empleyado, ipinagbabawal sa sinumang employer ang maglathala, o magpalathala, sa anumang uri ng media—kabilang ang internet at lahat ng uri ng social media—ng anumang paunawa o anunsyo na nagpapahiwatig ng anumang uri ng pabor, limitasyon, o diskriminasyon batay sa edad. Ayon sa Seksyon 5 ng nasabing batas:


"Section 5. Prohibition of Discrimination in Employment on Account of Age. – (a) It shall be unlawful for an employer to:


  1.  Print or publish, or cause to be printed or published, in any form of media, including the internet, any notice of advertisement relating to employment suggesting preferences, limitations, specifications, and discrimination based on age;”  


Upang sagutin ang iyong katanungan, karaniwang hindi pinapayagan ng batas na gawing batayan ang edad sa pagkuha ng mga empleyado para sa negosyong restaurant, katulad nang sa iyong kapatid. Higit pa rito, bilang isang employer, ipinagbabawal ng batas na mag-anunsyo siya sa anumang uri ng media, kabilang ang internet, ng anumang paunawa na may kinalaman sa trabaho na nagpapahiwatig ng pabor, limitasyon, o anumang uri ng diskriminasyon batay sa edad.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page