Pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon para sa ating para-athletes
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 1, 2026

Nitong Martes, April 28, naging karangalan ko na makasama ang ating mga bayaning atleta sa 13th ASEAN Para Games Official Awarding of Incentives sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila. Masaya tayong nagtipon-tipon upang kilalanin ang husay at sakripisyo ng ating delegasyon na lumaban sa Thailand noong nakaraang Enero.
Sa nasabing kompetisyon, nakapag-uwi ang ating mga atleta ng kabuuang 134 medals—45 golds, 37 silvers, at 52 bronzes. Sa kanilang pagbalik ng bansa na may dalang karangalan, muli nilang pinatunayan na walang anumang hadlang sa isang pusong determinado, disiplinado, at handang lumaban para sa bayan. Hindi lamang sila mga medal winners, sila ay tunay na inspirasyon ng buong sambayanang Pilipino.
Bilang isa ring atleta at sports enthusiast, saludo ako sa tapang, tiyaga, at dedikasyon ng ating mga para-athletes. Panalo man o hindi, proud tayo sa inyo dahil panalo ang buong Pilipinas sa bawat laban na inyong ipinapanalo. Bilang inyong senador at Chairman ng Senate Committee on Sports, patuloy nating isinusulong ang mga batas na tunay na makatutulong sa ating mga manlalaro.
Isa sa ating ipinaglalaban ay ang Senate Bill No. (SBN) 1743 na naglalayong amyendahan ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act (RA 10699). Ang layunin nito ay itaas at ipantay ang matatanggap na insentibo ng ating mga para-athletes sa kung ano ang tinatanggap ng iba pang national athletes. Pasado na ito sa ikatlong pagbasa sa Senado, kaya nananawagan tayo sa ating mga kasamahan sa House of Representatives na maipasa na rin ito.
Gaya ng lagi kong sinasabi, hindi kasalanan ng ating para-athletes na ipinanganak na may kapansanan. Dapat ay pantay ang pagkilala at suporta na ibinibigay natin. Maliit na halaga lamang ito kumpara sa karangalan na dala-dala nila para sa ating bayan.
Bilang Chairperson rin ng Senate Committee on Youth, patuloy din nating sinusuportahan ang mga inisyatiba para sa mas maayos na training facilities at medical assistance. Isa na rito ang pagtatatag natin ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City sa Capas, Tarlac, kung saan ang ating mga student-athletes ay nakakapag-aral habang hinahasa ang kanilang talento sa sports.
Isinusulong din natin ang SBN 171 o ang NAS Regional Expansion Bill upang mas marami pang kabataan sa iba’t ibang rehiyon ang makinabang sa programang ito.
Bilang isang health reforms crusader, naniniwala ako na ang sports ay isang mabisang paraan upang mapanatiling malusog ang ating pangangatawan at malayo ang kabataan sa masasamang bisyo tulad ng ilegal na droga. Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit!
Samantala, noong April 23, personal nating tinulungan ang 152 fire victims sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City, kung saan binigyang-diin natin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan. Nakasama rin natin ang mga lokal na opisyal ng Pasig City, kabilang sina Vice Mayor Dodot Jaworski, Councilors Ryan Enriquez, Eric Gonzales at Boyie Raymundo, at Bagong Ilog Barangay Captain Ferdinand Avis.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, dumalo rin tayo sa 3rd El Presidente Cup sa Orchard Golf and Country Club sa Dasmariñas City, Cavite, kung saan nakibahagi tayo sa ceremonial tee-off noong April 24. Nagpapasalamat tayo sa mga organizers ng tournament, lalo na kay dating Philippine Sports Commission Commissioner at Philippine Basketball Association legend Ramon "Mon" Fernandez. Patuloy nating susuportahan ang mga sports initiative na nagbibigay sa kabataang Pilipino ng pagkakataong malinang ang kanilang kakayahan, manatiling malusog, at matuto ng disiplina.
Noong April 25, naimbitahan tayo sa Radio Emergency Communication Operation Network (RECON) Philippines 34th National Convention sa Davao City kasama si National President Winston Abubakar. Hindi madali ang maging volunteer responder. Nagpapasalamat ako sa kanilang pagmamalasakit at pagmamahal sa ating kapwa Pilipino.
Samantala, nitong nagdaang linggo, naghatid naman ng karagdagang tulong ang ating team sa ating mga kababayang nangangailangan, gaya ng mga nabiktima ng sunog sa Bacoor, Cavite; Cebu City; Jagna at Carmen, Bohol; at Pavia, Iloilo.
Tinulungan din ng ating team ang mga displaced workers sa San Remigio, Cebu. Nakatanggap din ng tulong mula sa ating team ang iba't ibang indigents sa San Mateo, Rizal.
Nabigyan din ng karagdagang tulong mula sa aking team ang mga TESDA scholars mula sa Kawit, Cavite; Presentacion, Camarines Sur; at Apalit, Pampanga sa kanilang graduation ceremony.
Bilang Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa sambayanang Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.




Comments