top of page
Dennis Trillo at Patrick Garcia - IG - YT Ogie Diaz.jpg

Pagkilala sa mga guro, patunayang totoo at ‘di lang bola

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 6, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Dapat higit sa matatamis na salita ang maibigay sa mga guro at manggagawa sa edukasyon dahil sa kanilang mga balikat nakasalalay ang malaking bahagi ng kinabukasan ng mga batang Pilipino. 


Kapag kapos ang guro sa sahod, benepisyo at kagamitan, hindi lang sila ang naaapektuhan kundi pati ang mga pamilyang umaasa sa kalidad ng edukasyon para makaahon sa buhay.


Isang araw bago ang World Teachers’ Day, nagprotesta ang mga guro at education workers sa labas ng Malacañang upang igiit ang dagdag na sahod, benepisyo at mas malaking pondo para sa edukasyon. Kabilang sa kanilang pangunahing panawagan ang entry-level salary na P50,000 at pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance o PERA sa P5,000 mula sa kasalukuyang P2,000.


Sa gitna rin ng deliberasyon sa panukalang 2027 national budget, hiniling ng grupo na ilaan ang katumbas ng 6% ng gross domestic product o GDP para sa edukasyon. Layunin nitong matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, lumalalang kondisyon ng school facilities at krisis sa pagkatuto.


Hindi simpleng usapin ng dagdag-sahod ang laban ng mga guro. Kapag hindi sapat ang kita, benepisyo at suporta sa isang guro, maaaring maapektuhan ang kanilang kakayahang magampanan ang napakaraming responsibilidad sa loob at labas ng silid-aralan. Sa huli, estudyante at pamilya rin ang direktang nakararamdam nito.


Mas mabigat ang usapin dahil nauwi sa tensyon ang protesta. Nagkaroon ng scuffle sa pagitan ng ilang rallyist at security personnel habang tinatangkang magdaos ng demonstrasyon. 


Ayon sa ACT Philippines, 16 na guro at estudyante ang nasugatan, may mga gamit na nasira at dalawang megaphone ang nakumpiska.


Sa halip na manatili sa pangako at pagkilala sa mga guro bilang mga bayani, mas mahalagang makita ang suporta sa aktuwal na kalagayan nila. Ang bawat pisong ilalaan sa edukasyon ay hindi lamang gastos ng gobyerno. Isa itong pamumuhunan sa batang maaaring maging susunod na manggagawa, propesyonal, negosyante o lider ng bansa.


Sa World Teachers’ Day, dapat maging malinaw na ang tunay na pagkilala sa guro ay hindi nasusukat sa palakpak, medalya o talumpati. Nasusukat ito sa disenteng sahod, maayos na paaralan, sapat na kagamitan, proteksyon at pondong tunay na nakararating sa sektor.


Kung gusto nating magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang taumbayan, dapat ngayon pa lang ay pinatatatag na ang mga taong humuhubog dito. Kapag inalagaan ang guro, mas napoprotektahan ang edukasyon; kapag pinatatag ang edukasyon, mas napapalakas ang kinabukasan ng buong bansa.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page