Absent nang walang paalam, puwede bang tanggalin sa trabaho?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 6, 2026

Dear Chief Acosta,
Meron kaming empleyadong limang (5) araw nang nakaliban sa trabaho nang walang paalam. Maaari bang maituring itong pag-abandona sa trabaho? Maaari ba itong maging batayan para tanggalin siya sa trabaho? — Mirra
Dear Mirra,
Binigyang-kahulugan ng ating Korte Suprema ang “abandonment” bilang sadyang pagtanggi ng isang empleyado na ipagpatuloy ang kanyang trabaho nang walang sapat na dahilan. Bilang isang uri ng pagpapabaya sa tungkulin, ang “abandonment” ay itinuturing na makatwirang dahilan para sa pagtatapos ng empleyo.
Sa kaso ng Alvin G. Carpio vs. Green Era Biotech Corp., et al., G.R. No. 267217, 19 Nobyembre 2025, sa panulat ni Honorable Associate Justice Maria Filomena D. Singh, nilinaw ng ating Korte Suprema na ang simpleng hindi pagpasok o kabiguang magtrabaho ay hindi maituturing na pag-abandona kung walang malinaw na kilos mula sa empleyado na nagpapahiwatig ng kanyang pagnanais na tapusin ang kanyang panunungkulan:
“Abandonment has been defined by the Court as the deliberate and unjustified refusal of an employee to resume his employment. As a form of neglect of duty, abandonment is considered as a just cause for termination of employment by the employer.
However, in order to prove that the employee indeed abandoned his work, two factors must first be proven to be present: First, the failure to report for work or absence without valid or justifiable reason, and, second, a clear intention to sever the employer-employee relationship.
It must be noted that the second factor is the more determinative factor, and is manifested by overt acts from which it may be deduced that the employee has no more intention to work. In other words, the intent of the employee to discontinue his employment must be shown by clear proof that the employee did so deliberately and without justification.
To be sure, absence from work, in itself, cannot generate a finding of abandonment, absent any overt act from the employee clearly manifesting his or her desire to end the employment. The Court repeats that mere absence from or failure to work is not tantamount to abandonment.”
Ayon dito, para mapatunayang inabandona nga ng empleyado ang kanyang trabaho, dapat munang mapatunayang naroroon ang dalawang salik: una, ang kabiguang pumasok sa trabaho o pagliban nang walang makatwirang dahilan, at pangalawa, isang malinaw na intensyon na putulin ang relasyong employer-empleyado. Binigyang-diin sa nasabing kaso na ang ikalawa ang siyang higit na nagtatakda kung may pag-abandona sa trabaho, at ito ay naipakikita sa pamamagitan ng mga hayag na kilos na nagpapahiwatig na wala nang intensyon ang empleyado na magtrabaho. Sa madaling salita, ang intensyon ng empleyado na itigil ang kanyang pagtatrabaho ay dapat patunayan sa pamamagitan ng malinaw na ebidensya na ginawa niya ito nang kusa at walang sapat na dahilan.
Kaya, kinakailangan munang mapatunayan ang mga nabanggit na elemento upang maituring ang empleyado na inabandona nga niya ang kanyang trabaho. Kung mapatunayan ito, maaaring gamiting batayan sa pagtanggal sa trabaho ang nabanggit bilang makatarungang dahilan o just cause.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments