LGUs, katuwang sa pag-angat ng edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 1, 2026

Tuwing Oktubre, ipinagdiriwang natin ang Local Government Month upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga local government units (LGUs) sa ating bansa. Bilang dating alkalde ng Lungsod ng Valenzuela, nauunawaan ng inyong lingkod na ang mga LGU ang madalas na unang lapitan ng ating mga kababayan para sa mga mahahalagang programa at serbisyo.
Patuloy din nating kinikilala ang mahalagang papel ng mga LGU pagdating sa edukasyon. Kaya naman, isinulong natin ang ilang mga batas upang palawakin ang responsibilidad ng mga LGU at patatagin ang kanilang kakayahang tuparin ang mga mandatong ito.
Isa sa mga pinakamahalagang reporma sa edukasyon na ipinasa natin kamakailan ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act (Republic Act No. 12199), kung saan ginawang mandato sa mga LGU ang paghahatid ng mga programa at serbisyong magpapatatag sa pundasyon ng mga batang wala pang limang taong gulang. Kabilang dito ang mga programa at serbisyong may kinalaman sa nutrisyon, kalusugan, at edukasyon.
Mandato rin sa mga LGU ang tiyaking maaabot nila ang bawat batang wala pang limang taong gulang upang maging saklaw ng mga programa at serbisyong ito. Kaugnay nito, magkakaroon ang mga LGU ng ECCD Office upang mangasiwa sa paghahatid ng mga programa at serbisyong ito. Ang mga ECCD Office din ang mangangasiwa sa mga Child Development Teachers at Child Development Workers.
Isa pang mahalagang batas na isinulong natin ang Parent Effectiveness Service (PES) Program Act (Republic Act No. 11908), kung saan itinalaga ang mandato sa mga LGU ang pagpapatupad ng PES Program. Layunin ng batas na palawakin ang kaalaman ng mga magulang sa pagtugon sa kanilang mga responsibilidad, lalo na pagdating sa edukasyon ng kanilang mga anak at pagtaguyod sa kanilang mga karapatan.
Patuloy naman nating isinusulong ang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53) upang paigtingin ang papel ng mga LGU sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, isinusulong nating maging mandato sa mga Local School Board ng bawat LGU ang pagpapatupad ng mga repormang tutugon, halimbawa, sa participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga drop-out at out-of-school youth, suporta sa mga mag-aaral na may kapansanan, at iba pa.
Upang matulungan ang mga LGU sa pagtupad sa mga bagong tungkuling ito, isinusulong din nating mapalawak ang saklaw ng paggamit ng kanilang Special Education Fund (SEF). Sa ilalim ng ating panukala, isinusulong natin ang paggamit ng SEF upang magamit ito sa sahod ng mga non-teaching personnel kabilang ang utility at security, sahod ng mga child development teachers at workers, pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS), dagdag sahod ng mga guro para sa karagdagang serbisyo sa labas ng oras ng klase, at marami pang iba.
Patuloy nating isusulong ang mga programa at panukalang batas upang mapalawak ang papel at kakayahan ng mga LGU pagdating sa paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa ating mga kabataan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments